Back to HomePolitics

Reklamo ni Manases Carpio vs AMLC, ibinasura ng QC Prosecutor

NI JG Tumbado September 9, 20262 min read0 views
Reklamo ni Manases Carpio vs AMLC, ibinasura ng QC Prosecutor
Share:

IBINASURA ng Quezon City Prosecutor’s Office ang reklamo ni Atty. Manases Carpio, laban sa mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ilang mambabatas kaugnay ng umano’y iligal na pagsisiwalat ng kanyang financial records at ng kanyang asawang si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Atty. Peter Paul Danao, abogado ni Carpio, nakasaad sa September 7, 2026 resolution ng QC Prosecutor’s Office ang rekomendasyong i-dismiss ang reklamo.

Gayunman, hinihintay pa umano nila ang opisyal na kopya ng resolution bago magpasya sa susunod na hakbang.

Sinabi ni Danao na maingat nilang rerepasuhin ang resolution at hindi isinasara ni Carpio ang posibilidad na gumamit ng iba pang legal na remedyo upang kuwestiyunin ang desisyon.

Nauna nang nagsampa si Carpio ng criminal complaints laban sa mga opisyal ng AMLC at ilang kilalang mambabatas matapos ilantad sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Abril 22 ang mga ulat ng AMLC hinggil sa kanyang mga transaksyon mula 2006 hanggang 2025.

Uminit ang usapin habang nagpapatuloy ang impeachment trial ni Duterte, kung saan inaasahang susuriin din ang mga financial records ng bise presidente, kabilang ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.

Nauna nang natanggap ng impeachment court ang mga subpoenaed bank at tax records ng mag-asawa bilang bahagi ng paglilitis.

Pero ayon kay Danao, hindi nangangahulugang natalo sa merito ng kaso si Carpio dahil hurisdiksyon lamang ang naging dahilan ng pagbasura sa reklamo.

Aniya, hindi pa ito pinal na desisyon sa mga alegasyong isinampa ng kanyang kliyente.

Dahil dito, sinabi ni Danao na maaari pa ring dalhin ni Carpio ang reklamo sa ibang forum, partikular sa Office of the Ombudsman, na umano’y mas may hurisdiksyon sa mga respondent dahil isinagawa nila ang mga kinukuwestiyong hakbang bilang mga opisyal ng gobyerno.

Sinabi ng abogado na kabilang sa mga opsyon ni Carpio ang muling pagsasampa ng reklamo sa Ombudsman.

Related Articles