Arraignment ni VP Duterte sa 3 kaso ng grave threats ipinagpaliban ng korte

IPINAGPALIBAN nitong Biyernes, Setyembre 11, ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang arraignment o ang pagbasa ng sakdal kay Vice President Sara Duterte sa tatlong bilang ng grave threats.
Personal na humarap si Duterte sa korte para sa nakatakdang arraignment, ngunit hindi ito natuloy matapos pagbigyan ng hukuman ang mosyon ng kanyang kampo na ipagpaliban ang paglilitis sa kanya.
Kinumpirma ni Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni Duterte, ang postponement ngunit tumanggi siyang magbigay ng mga detalye hinggil sa mosyon, dahil aniya, may mga sensitibong usapin itong sangkot at nais nilang igalang ang proseso ng korte.
“Hiningi namin na ipagpaliban muna yung kanyang arraignment dahil sa ilang mga dahilan. Ito ay pinagbigyan ng korte,” ani Lim.
“Ngayon, pansamantala, habang ito ay pinag-iisipan pa niya yung aming mosyon, hindi muna matutuloy yung kanyang arraignment, so suspended muna,” dagdag niya.
Ayon kay Lim, inatasan ng korte ang prosekusyon na magsumite ng komento o tugon sa mosyon ng depensa sa loob ng itinakdang panahon.
Hindi naman agad sinabi ng abogado kung kailan muling itatakda ang arraignment.
Mosyon sa Supreme Court
Kasabay nito, sinabi ni Lim na naghain din ang kampo ni Duterte ng petisyon sa Supreme Court para humingi ng temporary restraining order (TRO) upang pansamantalang ihinto ang proceedings sa Quezon City RTC.
Kabilang sa batayan ng kanilang posisyon ang kanilang argumento na may immunity from suit si Duterte bilang isang nakaupong opisyal na sakop ng impeachment process.
Iginiit naman ni Lim na patuloy na sumusunod sa batas ang bise presidente sa kabila ng pagkuwestiyon ng kanyang kampo sa hurisdiksiyon ng RTC.
“Ang bise presidente naman ay sumusunod sa batas kahit kinukwestyon niya yung jurisdiction ng korte,” ani Lim.
Samantala, sinabi ni Duterte na gagamitin ng kanyang mga abogado ang lahat ng legal na remedyo na pinahihintulutan ng batas upang harapin ang kaso.
“Lahat ng legal remedies na allowed by law ay iyon ang ina-avail ng ating mga abogado. Sumusunod lang ako sa kanilang legal advice,” pahayag ni Duterte matapos umalis sa korte.
Nag-ugat ang tatlong kaso sa mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024, kung saan sinabi niyang nakipag-ugnayan siya sa isang indibidwal upang ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at noo’y House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Ang mga pahayag ding ito ay kabilang sa mga alegasyong nakapaloob sa Articles of Impeachment laban kay Duterte na kasalukuyang nililitis sa Senado.
Noong Setyembre 4, inatasan ang pag-aresto kay Duterte kaugnay ng grave threats case.
Kinabukasan, Setyembre 5, nag-post siya ng P360,000 piyansa.
Bago magpiyansa, hayagan ding sinabi ni Duterte sa kanyang mga abogado na hindi siya nagtitiwala sa mga korte.
Bilang tugon sa naturang pahayag, sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, isa sa mga House prosecutor sa impeachment case laban kay Duterte, na maaari siyang maharap sa disciplinary proceedings, kabilang ang posibleng disbarment, dahil sa umano’y malawakang pahayag nito laban sa hudikatura.
Nang hingan ng reaksiyon sa pahayag ni Chua, sinabi ni Duterte: “We will take each case as they come and we will answer each complaint as they come.”
Bukod sa grave threats case, nahaharap din si Duterte sa impeachment trial sa Senado.
Kabilang sa mga alegasyon sa impeachment case ang umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan, bribery o panunuhol sa mga opisyal ng gobyerno, at pag-iipon ng hindi maipaliwanag na yaman. (Jeff Tumbado)
In photo : Sinalubong ng mga hiyawan ng mga taga suporta ni Vice President Sara Duterte nang dumating ito sa Quezon City Justice Hall para dumalo sa kanyang arraignment sa RTC Branch 98 subalit ito ay ipinagpaliban ng naturang korte.
Related Articles

Reklamo ni Manases Carpio vs AMLC, ibinasura ng QC Prosecutor
IBINASURA ng Quezon City Prosecutor’s Office ang reklamo ni Atty. Manases Carpio, laban sa mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ilang mambabatas kaugnay ng umano’y iligal na pagsisiw…

SC ibinasura ang graft conviction ni ex FL Imelda Marcos
BINALIGTAD ng Korte Suprema ang hatol ng Sandiganbayan laban kay dating First Lady Imelda Marcos sa pitong kaso ng graft na may kaugnayan sa umano’y pinansyal niyang interes sa mga pribadong foundati…

Magkapatid na Remulla tutungo sa France para kay Zaldy Co
NAKATAKDANG bumiyahe sa France sina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad doon kaugnay ng paghahanap…
