Romualdez kinasuhan na ng plunder ng Ombudsman sa Sandiganbayan

ISINAMPA na ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang kasong plunder laban kay dating House Speaker at Leyte First District Representative Ferdinand Martin Romualdez dahil sa umano’y sabwatan sa pagkamal ng tinatayang P56 bilyong ill-gotten wealth kaugnay sa mga flood control project mula 2022 hanggang 2025.
Kasama ni Romualdez sa kinasuhan si dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, na kapwa inakusahan ng Ombudsman ng “concerted and coordinated acts” o magkakaugnay at may koordinasyong pagkilos upang ilegal na makapag-ipon at makakuha ng yaman mula sa pondo ng bayan.
Ayon sa Ombudsman, kabilang sa mga sinuri nitong ebidensiya ang mga salaysay hinggil sa umano’y paghahatid ng malaking halaga ng pera na inilagay sa mga maleta at inihatid ng mga dating bodyguard.
Gayunman, ang mga testimonya at iba pang ebidensiya ay sasailalim pa sa pagsusuri ng hukuman.
Ang kaso ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project, kabilang ang mga paratang ng overpricing, ghost projects at iregularidad sa paggamit ng pondo ng bayan.
Bukod sa plunder, nauna nang isinailalim sa imbestigasyon ang ilang respondent kaugnay ng mga alegasyon ng graft, bribery at money laundering.
Patuloy ding sinusuri ng mga awtoridad ang mga transaksiyon at dokumentong may kaugnayan sa mga proyekto.
Mariin namang itinanggi ni Romualdez ang mga paratang laban sa kanya. Iginiit niya na wala siyang ginawang ilegal at handa siyang harapin at sagutin ang mga alegasyon sa pamamagitan ng legal na proseso.
Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo na “we have to do what is right” habang isinasagawa ang mga imbestigasyon laban sa mga sangkot umano sa kontrobersiya.
Sinabi rin ni Marcos na kailangang managot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas, anuman ang kanilang posisyon o katayuan.
Si Romualdez ay pinsang buo ng Pangulo.
Related Articles

Arraignment ni VP Duterte sa 3 kaso ng grave threats ipinagpaliban ng korte
IPINAGPALIBAN nitong Biyernes, Setyembre 11, ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang arraignment o ang pagbasa ng sakdal kay Vice President Sara Duterte sa tatlong bilang ng grave thre…

Reklamo ni Manases Carpio vs AMLC, ibinasura ng QC Prosecutor
IBINASURA ng Quezon City Prosecutor’s Office ang reklamo ni Atty. Manases Carpio, laban sa mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ilang mambabatas kaugnay ng umano’y iligal na pagsisiw…

SC ibinasura ang graft conviction ni ex FL Imelda Marcos
BINALIGTAD ng Korte Suprema ang hatol ng Sandiganbayan laban kay dating First Lady Imelda Marcos sa pitong kaso ng graft na may kaugnayan sa umano’y pinansyal niyang interes sa mga pribadong foundati…
