Wala na akong tiwala kahit kanino maliban sa taong bayan,” - VP Sara

NAGPIYANSA si Vice President Sara Duterte ng kabuuang P360,000 sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 nitong Sabado, Setyembre 5, matapos ang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya para sa tatlong bilang na kasong grave threats.
Itinakda ng korte ang piyansa sa P120,000 para sa bawat isa, matapos nitong makita ang probable cause upang iharap sa paglilitis ang bise presidente.
Personal na nagtungo si Duterte sa QC RTC upang sumunod sa proseso matapos maglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa kanya noong Biyernes.
Sa kanyang pagdating at habang naghihintay sa korte, nagpahayag si Duterte ng pangamba sa presensya ng mga pulis na nakatalaga sa lugar.
“Makikiusap ako sa inyo, kung puwede, samahan ninyo ako dahil I do not feel safe with all these police personnel,” ani Duterte, na hiniling sa media na samahan siya sa paglabas at pagpasok sa sasakyan.
Ayon sa bise presidente, matagal na umano siyang nakararanas ng pagbabantay at pagsunod ng mga pulis.
“Nanghaharang sa bahay namin, nanghaharang sa akin simula noong 2023. Sino-surveillance ako, sino-sundan ako. Hanggang ngayon, pupunta lang ako ng court,” dagdag niya.
Hiningi rin ni Duterte ang tulong ng mga mamamahayag upang maging maayos ang kanyang paglabas ng gusali.
“Merong mauna, merong nasa likod. Para ako ay makababa at makasakay sa sasakyan,” aniya.
Nagpasalamat din siya sa media sa pagdodokumento sa kanyang pagpunta sa korte.
“Nagpapasalamat ako sa media dahil sa mga lens ninyo at sa mga microphone ninyo, naririnig ng taong bayan kung gaano kadarapa ang gobyerno natin ngayon,” sabi niya.
Nang tanungin tungkol sa susunod niyang hakbang at pananaw sa justice system, sinabi ni Duterte na wala na siyang tiwala sa mga institusyon ng gobyerno.
“Wala na akong tiwala kahit kanino maliban sa taong bayan,” ani Duterte.
Ang kaso ay nag-ugat sa kanyang online press conference noong Nobyembre 2024 kung saan sinabi niyang mayroon siyang kinausap na isang tao upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at noo'y House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay. Itinanggi ni Duterte na isa itong aktuwal na banta.
Noong Setyembre 4, naglabas ang QC RTC Branch 98 ng warrant of arrest matapos nitong tanggihan ang mosyon ng kampo ni Duterte na ipagpaliban o bawiin ang warrant at ipawalang-bisa ang mga impormasyon laban sa kanya.
Ayon naman sa abogado ni Duterte, wala siyang intensiyong umiwas sa batas at gagamitin niya ang lahat ng legal na remedyo para sa kaso.
Matapos ang kanyang pagharap sa korte at pagbabayad ng piyansa, na-lift ang warrant of arrest laban sa bise presidente, ayon sa ulat.
Related Articles

Arraignment ni VP Duterte sa 3 kaso ng grave threats ipinagpaliban ng korte
IPINAGPALIBAN nitong Biyernes, Setyembre 11, ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang arraignment o ang pagbasa ng sakdal kay Vice President Sara Duterte sa tatlong bilang ng grave thre…

Reklamo ni Manases Carpio vs AMLC, ibinasura ng QC Prosecutor
IBINASURA ng Quezon City Prosecutor’s Office ang reklamo ni Atty. Manases Carpio, laban sa mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ilang mambabatas kaugnay ng umano’y iligal na pagsisiw…

SC ibinasura ang graft conviction ni ex FL Imelda Marcos
BINALIGTAD ng Korte Suprema ang hatol ng Sandiganbayan laban kay dating First Lady Imelda Marcos sa pitong kaso ng graft na may kaugnayan sa umano’y pinansyal niyang interes sa mga pribadong foundati…
