Back to HomePolitics

Sa pag bawi ng salaysay ni Guteza hindi makaka apekto sa imbestigasyon vs Romualdez - Ombudsman

NI JG TumbadoAugust 20, 20263 min read0 views
Sa pag bawi ng salaysay ni Guteza hindi makaka apekto sa imbestigasyon vs Romualdez - Ombudsman
Share:

HINDI umano makaaapekto sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa sinasabing kickback scheme sa flood control projects ang pag-urong sa mga nauna nitong pahayag ng dating Marine personnel at bodyguard na si Orly Guteza, dahil mayroon pa itong 28 saksi na maaaring magbigay ng direkta at mahalagang impormasyon laban sa dating House Speaker Martin Romualdez.

Sinabi ng Ombudsman nitong Huwebes na hindi nakasalalay sa isang saksi lamang ang kanilang kaso, dahil nakalap na ang impormasyon mula sa iba’t ibang source kaugnay ng mga alegasyon laban kay Romualdez at iba pang respondent.

“Ang Office of the Ombudsman ay nagpapaalam sa publiko na mayroon itong 28 saksi na handang magbigay ng direkta at mahalagang kaalaman hinggil sa mga transaksiyong iniimbestigahan sa kasong kinasasangkutan ng dating Speaker Martin Romualdez,” ayon sa pahayag ng ahensya.

Ayon sa Ombudsman, ang 28 saksi ay mga aktibong uniformed personnel na kasalukuyang sumasailalim sa mga prosesong legal.

Inilabas ng anti-graft body ang pahayag matapos maglabas si Guteza, na dating security personnel ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, ng affidavit kung saan binawi niya ang mga nauna niyang pahayag na naghatid umano siya ng mga maleta na naglalaman ng pera sa tahanan ni Romualdez.

Inakusahan din ni Guteza sina Sen. Rodante Marcoleta at dating Rep. Mike Defensor na umano’y nagsabwatan upang palaganapin ang mga alegasyon laban kay Romualdez.

Sinabi ng Ombudsman na hindi na bago ang mga pagbawi o recantation ng testimonya sa mga high-profile na kaso at maaari itong gamitin bilang paraan ng panggigipit.

“Ang mga pagbawi ng pahayag sa mga high-profile na kaso ay hindi na bago. Isa itong klasikong pressure tactic,” ayon sa anti-graft body.

Nagbabala rin ang Ombudsman laban sa sinumang susubok na humarang o makialam sa kanilang imbestigasyon.

“Para sa lahat ng sumasailalim o sasailalim sa legal na proseso, ang pakikipagtulungan ay hindi isang pagpipilian. Ito ay obligasyon sa ilalim ng batas. Ang sinumang mangahas na humarang, makialam o manggambala sa mga proseso ng Ombudsman ay haharap sa buong puwersa ng batas,” pahayag nito.

Binigyang-diin ng ahensya na magpapatuloy ang paghahanap nito sa katotohanan sa kabila ng pagbawi ng pahayag ng ilang saksi.

“Hindi titigil ang paghahanap sa katotohanan, kahit may ilang tao na ayaw pa ring magsalita,” dagdag nito.

Noong Hulyo 20, naghain ang mga imbestigador ng Ombudsman ng supplemental complaint-affidavit laban kina Romualdez, Co at kanilang mga kapwa akusado para sa plunder, direct bribery, graft and corruption, at money laundering.

Inakusahan ng mga imbestigador sina Romualdez at Co ng “concerted and coordinated acts” o magkakaugnay at koordinadong pagkilos upang umano’y “iligal na makaipon, makapagkamal at makakuha ng ill-gotten wealth” na tinatayang nasa P56 bilyon mula 2022 hanggang 2025.

Ayon sa mga naunang pahayag ni Guteza at iba pang saksi, kabilang ang tatlo sa tinaguriang “maleta boys” na bumawi na rin ng kanilang mga testimonya, ilan sa mga umano’y halaga ay inihatid gamit ang mga maleta.

Gayunman, iginiit ng Ombudsman na hindi mapipigil ng pagbawi ng pahayag ng ilang saksi ang nagpapatuloy nitong imbestigasyon sa mga umano’y kaliwat kanang kurapsyon partikular sa flood control projects.

Related Articles