Back to HomePolitics

Warrant of arrest inilabas ng QC RTC vs VP Sara

NI JG TumbadoSeptember 4, 20263 min read0 views
Warrant of arrest inilabas ng QC RTC vs VP Sara
Share:

NAGLABAS nitong Biyernes ang isang Regional Trial Court-Quezon City ng warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng kasong grave threats.

Ayon sa abogado ni Duterte na si Paul Lawrence Lim, walang intensyon ang bise presidente na umiwas sa batas at gagamitin nito ang lahat ng legal na remedyo na maaari niyang gawin, “anuman ang usapin sa hurisdiksyon.”

Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na plano ng mga abogado ni Duterte na magpiyansa agad.

Samantala, kinumpirma naman ng Department of Justice (DOJ) na ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang mosyon ni Duterte na ipagpaliban o bawiin ang warrant of arrest dahil umano sa kawalan ng merito.

Napag-alaman ng korte na may probable cause upang litisin si Duterte sa tatlong bilang ng grave threats, kaya iniutos ang pagpapalabas ng warrant of arrest.

“Ginagalang ng Department ang desisyon ng Korte at pinagtitibay ang aming paninindigan sa rule of law,” pahayag ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez.

Nilinaw rin ni Martinez na walang naunang warrant of arrest laban sa bise presidente.

Aniya, ang paggamit ng terminong “defer or recall” ay “pure semantics” lamang.

“Mayroon lamang isang warrant at iyon ay ang warrant na inilabas ngayong araw,” ani Martinez.

Tinanong din si Martinez hinggil sa sinasabing immunity from suit ng bise presidente.

Ipinaliwanag niya na ang immunity mula sa kaso ay para lamang sa pangulo.

“Ang posisyon ng DOJ ay ang presidential immunity ay nakalaan lamang sa Pangulo bilang chief executive, kaya nagsampa ang DOJ ng kaso laban sa akusado,” ani Martinez.

Nag-ugat ang kaso sa pahayag ni Duterte sa isang online briefing kung saan sinabi niyang nag-ayos siya umano ng mga taong papatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay maunang mapaslang.

Kalaunan ay sinabi ni Duterte na kinuha sa konteksto ang kanyang mga pahayag.

Nauna nang hiniling ng kampo ng bise presidente na ibasura ang mga kasong grave threats, na iginiit ang kawalan umano ng hurisdiksyon ng korte.

Ayon kay Lim, isa umanong impeachable officer si Duterte at, alinsunod sa Konstitusyon, ang mga opisyal na sakop nito ay maaari lamang alisin sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.

“Dahil sila ay impeachable officer, hindi dapat sila kinakakasuhan ng kasong kriminal katulad ng isinampa sa ating bise presidente,” ani Lim.

Ang umano’y grave threat ay isa rin sa mga artikulo ng impeachment laban kay Duterte na kasalukuyang nililitis sa Senado.

Related Articles