Back to HomeNation

AMLC: P24.7B assets ng mga sangkot sa flood control scam, na-freeze

NI JG TumbadoSeptember 25, 20263 min read0 views
AMLC: P24.7B assets ng mga sangkot sa flood control scam, na-freeze
Share:

UMABOT na sa ₱24.7 bilyon ang kabuuang halaga ng mga asset na na-freeze ng gobyerno sa pamamagitan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na iniuugnay sa mga umano’y tiwaling opisyal na sangkot sa multibilyong pisong flood control scam.

Ito ang napag alaman sa report ng AMLC patungkol sa naging hakbang ng ahensya sa pagbawi ng nakaw na yaman.

Ayon sa AMLC ang naturang mga asset ay nasa ₱24.7 bilyon ang halaga nito simula nitong Enero 2026.

Posible pa aniyang madagdagan ang halaga habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon at legal na proseso.

Mula nang mabunyag ang flood control scandal noong 2025, 15 sa 30 freeze orders na inilabas ng Court of Appeals (CA) ang iniugnay sa mga kaso ng korapsyon.

Kabilang dito ang 14 na kaso sa flood control projects, na may tinatayang ₱20.2 bilyong preserved assets.

Sa unang anim na buwan ng 2026, mula Enero hanggang Hunyo, 18 sa 28 civil forfeiture petitions na inihain sa iba’t ibang korte ay may kaugnayan din sa mga kaso ng korapsyon.

Saklaw ng mga ito ang tinatayang ₱15.7 bilyong preserved assets.

Mayroon ding limang aktibong freeze orders na nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon na kasalukuyang nakabinbin sa isang Regional Trial Court.

Samantala, kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects, 22 petitions ang naihain sa mga korte hanggang Setyembre 16, 2026, na sumasaklaw sa tinatayang P16 bilyong preserved assets.

Sa kabuuan ngayong taon, naglabas ang mga korte ng 106 forfeiture orders na sumasaklaw sa kabuuang ₱2.17 bilyong asset.

Sa halagang ito, tinatayang ₱774 milyon na ang naibalik sa mga biktima ng iba’t ibang krimen, habang P166 milyon ang naipasa sa national government at P119 milyon naman ang nailipat sa Office of the Ombudsman.

Samantala, noong huling bahagi ng Agosto, nakakuha ang AMLC ng freeze order laban sa mga asset ng isang mambabatas na hindi pinangalanan ng ahensya, kaugnay ng mga proyektong nagkakahalaga umano ng bilyun-bilyong piso.

Ayon sa AMLC, nag-ugat ang kaso sa mga imbestigasyon ng Office of the Ombudsman at Bureau of Internal Revenue (BIR), gayundin sa hiwalay na administrative inquiry ng House of Representatives.

Natukoy umano ng Court of Appeals ang probable cause na ang mga asset ay may kaugnayan sa mga paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019.

Sa resolusyon nito noong Agosto 25, 2026, iniutos ng CA ang pag-freeze sa mga asset ng mambabatas, isang construction company na iniuugnay sa kanya, at iba pang mga indibidwal na konektado sa kaso.

Ayon sa AMLC, sinabi ng mambabatas na ibinenta o ini-divest na niya ang kanyang interes sa construction business bago siya pumasok sa serbisyo publiko.

Gayunman, batay umano sa mga rekord na sinuri ng mga awtoridad, patuloy siyang nakatanggap ng mga kita mula sa negosyo habang nasa puwesto, na ayon sa AMLC ay nagpapahiwatig na patuloy siyang may kontrol sa mga construction company.

Saklaw ng freeze order ang 55 bank accounts at apat na insurance policies.

Sinabi ng AMLC na patuloy nitong tutuparin ang mandato nitong protektahan ang integridad ng financial system ng bansa at itaguyod ang rule of law.

Sa pakikipag-ugnayan sa mga partner government agencies, sinabi ng AMLC na ipagpapatuloy nito ang mga hakbang na pinahihintulutan sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act, gaya ng pagtukoy, pagsubaybay, pag-preserve at pagbawi ng mga asset na iniuugnay sa korapsyon at iba pang ilegal na aktibidad.

Related Articles