Back to HomeRegions

Mining company manager, pro-Duterte influencer patay sa pamamaril sa Surigao del Sur

NI Edward VillosoOctober 4, 20262 min read0 views
 Mining company manager, pro-Duterte influencer patay sa pamamaril sa Surigao del Sur
Share:

PATAY ang isang 48-anyos na manager ng isang mining company at kilalang pro-Duterte social media influencer matapos pagbabarilin habang nagmamaneho ng company vehicle sa National Highway sa Barangay Bacolod, Carrascal, Surigao del Sur, Linggo ng umaga, Oktubre 4, 2026.

Nakilala ang biktima na si Philip M. Engbino, may-asawa at manager ng EZMMI GenCon ng Strong Group Mining Corporation (SGMC).

Agad rumesponde ang mga tauhan ng Carrascal Municipal Police Station (MPS) at natagpuan ang puting Dongfeng pickup na may plakang NKK 1748, na pag-aari ng SGMC.

Sinasabi sa ulat na pasado alas 6 ng umaga nang tambangan ang biktima ng hindi pa natutukoy na mga salarin habang ito ay patungo sa naturang minahan.

May mga tama ng bala ang driver's side ng windshield ng sasakyan, indikasyon na pinagbabaril ang biktima habang nagmamaneho.

Ayon sa inisyal na impormasyon mula sa pulisya, nakatanggap umano noon ng mga reklamo si Engbino mula sa ilang empleyado ng minahan kasunod ng pag-alis o pagbabawas ng ilang benepisyo ng mga manggagawa.

Gayunman, hindi pa kinukumpirma ng pulisya kung may kaugnayan ang naturang isyu sa pamamaslang.

Batay naman sa record ng kompanya, lumabas ang naturang sasakyan sa Gate 2 ng SGMC dakong alas-4:35 ng hapon noong Sabado, Oktubre 3, at si Engbino ang nagmamaneho.

Bukod sa pagiging mining executive, kilala rin si Engbino bilang isang Cebuano pro-Duterte influencer na may mahigit 212,000 followers sa social media.

Kadalasang nasa wikang Cebuano ang kanyang mga post at nakatuon sa mga usaping pulitikal, partikular sa pagsuporta sa dating Pangulong Rodrigo Duterte at pagpuna sa ilang lider na kaalyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kabilang din sa mga personalidad na kanyang pinupuna si Cebu Gov. Pam Baricuatro.

Ayon sa impormasyong lumabas sa social media, naging opisyal din umano si Engbino ng Cebu Alliance for Duterte (CAD) at miyembro ng Kabisay-an Influencers League (KIL), isang grupo ng mga Bisaya-speaking influencer na may malalaking bilang ng followers. Iniugnay rin siya sa Akro Frat.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at malaman ang tunay na motibo sa pagpatay.

Sinusuri rin ng mga awtoridad ang mga posibleng anggulo, kabilang ang kanyang trabaho sa mining company, mga naitalang reklamo ng mga empleyado, at ang kanyang aktibidad sa social media

Related Articles