Back to HomeRegions

6 timbog sa pagawaan ng pekeng plaka sa Davao

NI Edward VillosoSeptember 4, 20262 min read0 views
6 timbog sa pagawaan ng pekeng plaka sa Davao
Share:

KALABOSO ang anim na indibidwal matapos salakayin ng mga awtoridad ang limang establisimyento na umano’y gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng plaka ng sasakyan sa Quezon Boulevard, Davao City araw ng Huwebes, September 3.

Nasabat sa operasyon ang 64 pekeng plaka, kasama ang mga computer, machine tools at iba pang materyales na ginagamit umano sa paggawa ng mga ito.

Kabilang sa mga nakumpiska ang hammer, cutter, steel plate, sticker cutter, plain sheet at improved flat screw na ginagamit sa paghulma ng mga plaka.

Tinarget sa operasyon ang Pogz Art and Sign, Eschat Art and Sign Tailoring, Sticker Art and Sign, WMT Printing Services, at Magnorms Advertising Services.

Isinagawa ang operasyon ng Land Transportation Office (LTO) Field Enforcement Division (FED) at Law Enforcement Service (LES), katuwang ang PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Regional Intelligence Division 11 (RID 11), at Davao City Police Office (DCPO).

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, hindi lamang mga gumagamit ng pekeng plaka ang target ng kanilang kampanya kundi pati ang mga nasa likod ng paggawa at pagbebenta nito.

“Hindi lamang namin hinuhuli ang gumagamit ng pekeng plaka. Hinahanap namin kung saan ito ginagawa at kung sino ang kumikita sa ilegal na negosyong ito,” ani Lacanilao.

Dinala ang anim na suspek sa Davao City Police Station na nahaharap sa kasong Article 172 at Article 176 ng Revised Penal Code, gayundin sa Section 12 ng Republic Act No. 11235, na inamyendahan ng RA 12209 o Motorcycle Crime Prevention Act.

Related Articles