Bebot na may 28 kaso, muling arestado sa QC dahil sa pandurukot ng wallet sa loob ng Supermarket

MULING arestado ang isang babae na may 28 kaso, kabilang ang 23 insidenteng may kaugnayan sa pagnanakaw, matapos umanong dukutin at tangayin ang wallet ng isang mamimili sa loob ng supermarket sa Barangay Novaliches Proper, Quezon City, ayon sa pulisya nitong Miyerkules.
Batay sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4, dakong alas 10 ng umaga nang Martes nang dukutin ng suspek ang wallet ng babaeng biktima.
Una umanong nilapitan ng suspek ang biktima habang namimili at inalok ng libreng tissue at suka.
Ginamit umano ng suspek ang pagkakataon upang mailihis ang atensyon ng biktima bago palihim na kunin ang wallet nito.
Ayon sa QCPD, matapos makuha ang wallet ay nagpatuloy umano ang suspek sa pag-ikot sa mga pasilyo ng supermarket.
Napansin ng biktima na nawawala ang kanyang wallet at agad na humingi ng tulong sa security personnel ng establisimyento.
Nakipag-ugnayan naman ang mga guwardiya sa mga rumespondeng pulis.
Agad na natunton ng mga awtoridad ang suspek sa loob mismo ng supermarket at nasukol ito.
Nabawi mula sa suspek ang ninakaw na wallet.
Ayon sa QCPD, may kabuuang 28 kaso nang naitala laban sa suspek mula pa noong 2014. Kabilang dito ang 23 kaso na may kaugnayan sa pagnanakaw, gaya ng theft, pickpocketing at iba pang uri ng pagnanakaw, gayundin ang ilang kaso ng estafa at isang kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ang mga naitalang kaso ay nagmula sa Quezon City, Manila, Marikina, Caloocan, Pasay, Camarines Norte at Aklan, ayon sa pulisya.
Nananatili sa kustodiya ng pulisya ang suspek at isasailalim sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Related Articles

Pickup truck, nang araro sa North Fairview, 4 sugatan
ISANG ginang ang nasa kritikal na kondisyon habang nasa 3 iba pa ang sugatan makaraang mang araro ang pick up truck sa Barangay North Fairview, Quezon City umaga ng Miyerkules. Sa paunang impormasyon…

Sunog sumiklab sa isang residential area sa Quezon City
In photo : Mula sa mataas na gusali ay kita ang malaking bahagi na pinsala sa mga kabahayang tinutupok ng apoy habang pilit namang inaapula ng tubig ng mga rumespondeng mga bumbero sa Waling Waling St…

P496.4-M halaga ng shabu nasabat sa loob ng industrial machinery mula Mexico
NASABAT ng mga awtoridad ang tinatayang nasa P496.413 milyong halaga ng shabu na tumitimbang ng 73.002 kilo, at itinago sa loob ng industrial machinery mula Guadalajara, Mexico. Pinangunahan ng Bureau…
