BOC nakasamsam ng karagdagang 123 kilo ng Kush sa Subic Yacht; kabuuang halaga umabot na sa P366.65 Milyon

NAKASAMSAM muli ang Bureau of Customs (BOC) ng karagdagang 123.91 kilo ng high-end marijuana o “kush” mula sa isang yate na sumilong sa Subic Bay Freeport Zone (SBFZ) dahilan upang umabot sa 198 pakete ang kabuuang nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng P366.65 milyon.
Narekober ng mga tauhan ng BOC-Port of Subic ang karagdagang 109 pakete ng kush na may tinatayang street value na P204.44 milyon sa nagpapatuloy na stripping at inspeksyon sa naturang sailing yacht Sabado ng umaga, Setyembre 5.
Ang yate ay una nang isinailalim sa enforcement operation matapos itong sumilong sa Subic Bay Yacht Club (SBYC) noong Setyembre 2, dahil sa masamang panahon at pangangailangan nitong magsagawa ng pagkukumpuni.
Sa unang operasyon, nakumpiska ng mga awtoridad ang 98.332 kilo ng kush na tinatayang nagkakahalaga ng P162.2 milyon.
Dahil sa patuloy na inspeksyon sa yate, nadagdagan ang nakumpiskang droga ng 109 pakete na tumitimbang ng 123.91 kilo.
Sa kabuuan, 198 pakete ng hinihinalang high-end kush na ang nakumpiska ng mga awtoridad, na may kabuuang timbang na mahigit 222 kilo at tinatayang street value na P366.65 milyon.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng BOC sa mga katuwang nitong law enforcement agencies, kabilang ang Subic Bay Metropolitan Authority Law Enforcement Department (SBMA-LED), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Justice (DOJ) at iba pang mga kinauukulang opisyal.
Batay sa naunang ulat, ang yate ay may sakay na mga tripulanteng Thai at Malaysian at nagmula sa Kota Kinabalu, Malaysia. Patungo sana ito sa Taiwan nang mapilitan itong sumilong sa Subic dahil sa masamang lagay ng panahon.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga ito at ang mga taong nasa likod ng tangkang pagpasok ng malaking bulto ng ilegal na droga sa bansa.
Ang mga nakumpiskang kontrabando ay isinailalim sa inventory at turnover sa PDEA para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon.
Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad sa yate upang matiyak na walang iba pang kontrabando o ilegal na kargamento ang nakatago rito.
Related Articles

Lalaki na may 5 kaso ng rape timbog matapos ang 2 taong pagtatago
ARESTADO ang isang 53-anyos na lalaki na wanted sa limang bilang ng panggagahasa matapos ang dalawang taong pagtatago sa Misamis Oriental, ayon sa pulisya nitong Huwebes. Kinilala ang suspek sa alyas …

P20.4-M halaga ng shabu nasabat; high value target arestado sa Zamboanga City
ARESTADO ang isang itinuturing na high-value drug suspect matapos masamsam ang tinatayang nasa P20.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Mercedes, Zamboa…

Suntukan nauwi sa pamamaril, isa patay 3 sugatan
ISA ang nasawi habang dalawang iba pa ang sugatan makaraang mauwi sa pamamaril ang komprontasyon ng dalawang grupo ng kalalakihan sa labas ng isang bar sa kahabaan ng bypass road sa Tarlac City. Nabat…
