43 Patay, 20 sugatan, 5 nawawala sa pananalasa ng habagat at sunod-sunod na bagyo

UMABOT na sa 43 ang nasawi, 20 ang nasugatan at lima ang nawawala dahil sa pinagsamang epekto ng pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat at Tropical Cyclones Luis, Maymay, Neneng at Pilandok, ayon sa pinakahuling datos ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo.
Batay sa situation report ng OCD, naitala ang mga nasawi sa ilang bahagi ng Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas at National Capital Region.
Pinakamarami ang nasawi sa Benguet na umabot sa 15, kabilang ang 10 sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa Atok.
Lahat ng mga nasawi sa mga lugar na ito ay iniugnay sa mga pagguho ng lupa. Anim naman ang nasawi sa Rizal, kabilang ang dalawa sa Rodriguez dahil sa rockslide, dalawa sa Antipolo na nasawi dahil sa pagkatumba ng puno at pagkalunod, at dalawa sa Binangonan.
Apat ang nasawi sa Batangas, habang tig-tatlo naman ang naitala sa Pangasinan at Zambales.
Dalawa ang nasawi sa Quezon, Occidental Mindoro at Caloocan, habang tig-iisa naman sa La Union, Pampanga, Oriental Mindoro at Negros Occidental.
Kabilang sa mga sanhi ng pagkamatay ang pagguho ng lupa, pagkalunod, rockslide, pagkatumba ng puno, pagkakuryente at malalakas na agos ng tubig.
Samantala, 20 katao ang nasugatan, kabilang ang 13 sa Benguet. Walo sa mga ito ay mula sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad, isa sa Atok dahil sa landslide, at tig-isa sa Buguias at Duacan dahil sa pagkatumba ng puno.
May naitalang mga sugatan din sa Ilocos Sur, Abra, Quezon City, Rizal at Cavite.
Lima naman ang patuloy na nawawala, kabilang ang tig-isa sa Quezon City, Manila, Batangas City, Rodriguez sa Rizal at Porac sa Pampanga. Karamihan sa mga kaso ay iniugnay sa pagkalunod.
Ayon sa OCD, tinatayang 2.9 milyong pamilya o 10.2 milyong katao na ang naapektuhan sa Regions I, III, V at VI, CALABARZON, CAR, NCR at MIMAROPA. Umabot naman sa 6,900 barangay ang apektado ng kalamidad.
Related Articles

House OKs P72-T 2027 national budget
THE House of Representatives on Wednesday approved House Bill No. 10858, or the proposed ₱7.2-trillion General Appropriations Bill for Fiscal Year 2027, as amended, on second reading. House Committee…

P28,000 drug test bayad ni Respicio sa hamon ni Remulla
SUMAILALIM agad sa drug test ang kontrobersiyal na si Atty. Jeryll Harold Respicio, ang Vice Mayor ng Reina Mercedes sa Isabela, matapos ihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nais niyang ipas…

Opisyal ng PNP iniimbestigahan ng Napolcom dahil sa iregularidad
KASALUKUYANG iniimbestigahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) si Police Col. Froilan Uy dahil sa mga alegasyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan, pang-aapi at iba pang uri ng iregularidad. Ayon…
