Back to HomeRegions

Bangkay ng mag-iina natagpuan sa inabandonang sasakyan sa Bulacan

NI Edward VillosoAugust 21, 20262 min read0 views
Bangkay ng mag-iina natagpuan sa inabandonang sasakyan sa Bulacan
Share:

Photo caption : Sa mabukid na bahagi ng Viola highway, Barangay Talacsan, San Rafael, Bulacan natagpuan ang isang Multi Purpose Vehicle (MPV) kung saan sakay ang wala ng buhay na mag iina matapos itong abandonahin ng hindi pa tukoy na mga salarin.

NATAGPUAN ng mga awtoridad ang bangkay ng isang mag iina sa loob ng multi-purpose vehicle (MPV) na inabandona sa isang liblib na bahagi ng Viola Highway sa Barangay Talacsan, San Rafael, Bulacan nitong Huwebes ng hapon.

Ayon sa San Rafael Police Station (SRPS), nakatanggap sila ng impormasyon pasado alas-2 ng hapon hinggil sa isang sasakyang iniwan sa bakanteng lote sa isang liblib na bahagi ng barangay.

Nang rumesponde ang mga pulis at inspeksyunin ang sasakyan, tumambad sa kanila ang mga bangkay ng tatlong biktima na nakahimlay sa likurang bahagi ng kulay abong Toyota Veloz.

Sa paunang imbestigasyon, nasa 31-anyos ang babae habang ang dalawa nitong anak ay nasa edad siyam at apat na taon.

Rumesponde rin sa lugar ang mga opisyal ng barangay, ngunit sinabi nilang wala silang paunang impormasyon hinggil sa insidente o kung paano napunta roon ang sasakyan.

Ayon sa isang barangay official, nakatanggap siya ng tawag na may natagpuang sasakyan sa lugar at may umano'y pinatay sa loob nito.

Agad siyang nagtungo sa lugar at nadatnan ang maraming pulis na nagsasagawa na ng imbestigasyon.

Hindi pa natutukoy ng pulisya ang mga suspek at motibo sa krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable sa insidente at mabatid ang buong pangyayari. (Jeff Tumbado)

Related Articles