Back to HomeRegions

Negosyante arestado sa pagdadala ng mga bala ng baril sa Tacloban Airport

NI alex GalangSeptember 5, 20262 min read0 views
Negosyante arestado sa pagdadala ng mga bala ng baril sa Tacloban Airport
Share:

ARESTADO ang isang 59-anyos na negosyante matapos umanong makita sa kanyang backpack ang isang magazine at 30 bala ng .45-caliber na baril sa Daniel Z. Romualdez Airport Biyernes ng gabi.

Ayon sa Police Regional Office 8 (PRO 8), kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Mak,” residente ng Barangay Copocawayan, Sto. Niño, Samar.

Nabatid sa report , dakong 7:21 ng gabi nang arestuhin si Mak sa Central Security Screening Checkpoint ng paliparan.

Pauwi na umano sa Maynila ang suspek nang ma-detect ng X-ray operator dakong 7:15 ng gabi ang mga kahina-hinalang bagay sa loob ng kanyang backpack.

Isinailalim sa manual inspection ang bag sa presensya ng mga pulis, mga saksi at mismong pasahero.

Dito narekober ang isang magazine at 30 bala ng live .45-caliber ammunition.

Agad namang nagsagawa ng verification at profiling ang mga tauhan ng Tacloban Airport Police Station upang matukoy ang dahilan ng pagdadala ng suspek ng mga bala at kung may paglabag ito sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Hinilingan umano si Mak na magpakita ng mga dokumentong magpapatunay na mayroon siyang legal na awtoridad na magmay-ari o magdala ng naturang mga bala, ngunit nabigo umano siyang maipakita ang mga kinakailangang dokumento.

Nanatili sa kustodiya ng Airport Police Station ang suspek habang patuloy na nangangalap ng karagdagang ebidensiya ang pulisya at inihahanda ang kaukulang reklamo para sa posibleng paglabag sa RA 10591.

Related Articles