Back to HomeRegions

2 Pulis arestado sa pamamaril sa CDO

NI Edward VillosoSeptember 22, 20262 min read0 views
2 Pulis arestado sa pamamaril sa CDO
Share:

DALAWANG aktibong pulis ang dinakip ng kanilang mga kasamahan matapos umanong mabaril ang isang lalaki sa Sitio Lumboy, Barangay Indahag, dito, Lunes ng gabi.

Ayon sa Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), naaresto ang dalawang pulis matapos silang maharang sa isang border control checkpoint habang sakay ng kulay abong Yamaha Sniper motorcycle.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng report ang Police Station 2 bandang alas-9:54 ng gabi mula sa isang concerned citizen hinggil sa mga putok ng baril sa lugar.

Agad namang nagpatupad ang pulisya ng citywide flash alarm upang matukoy at maharang ang mga posibleng sangkot sa insidente.

Nang maharang, nakumpirma ng mga awtoridad na ang dalawang sakay ay mga aktibong PNP personnel na nakatalaga mismo sa naturang border control post.

Isinailalim sa kustodiya ang dalawang suspek habang kinumpiska ang kanilang mga service firearm para sa ballistic examination.

Lumalabas sa report na nagtamo ng tama ng bala sa itaas na bahagi ng hita ang biktima na kinilala lamang sa alyas "Biek".

Agad siyang tinulungan ng mga bystander at isinakay sa barangay ambulance bago dinala sa Maria Reyna Xavier University Hospital.

Nasa stable ang kondisyon ng biktima, ayon sa ulat.

Isang saksi rin ang positibong kumilala sa isa sa dalawang naarestong pulis bilang umano’y bumaril sa biktima.

Nakarekober naman ang mga imbestigador ng isang fired cartridge case sa crime scene.

Sinabi ni COCPO spokesperson Capt. Emilita Simon na patuloy ang pagsasagawa ng internal training sa hanay ng kanilang mga tauhan upang maiwasan ang mga katulad na insidente.

Kabilang dito ang regular na police information updates, continuing education sessions, at pre-deployment at post-deployment briefings upang matiyak na nauunawaan at nasusunod ng mga personnel ang mga umiiral na alituntunin at direktiba.

Ayon kay Police Col. Dexter Paje, direktor ng COCPO, magiging masusi, patas at transparent ang imbestigasyon sa insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo at buong pangyayari sa likod ng pamamaril.

Related Articles