Back to HomeRegions

Pulis sugatan matapos pagbabarilin ang checkpoint sa BARMM

NI Edward VillosoSeptember 16, 20262 min read0 views
Pulis sugatan matapos pagbabarilin ang checkpoint sa BARMM
Share:

ISANG pulis ang nasugatan makaraang paputukan ng hindi pa nakikilalang mga armadong lalaki ang isang security checkpoint sa Barangay Kadingilan, Nabalawag, Special Geographic Area (SGA), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Miyerkules.

Kinilala ni Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PROBAR), ang nasugatang pulis na si Pat. Alfadz Umal ng Regional Mobile Force Battalion 14-A.

Ayon sa 33rd Infantry Battalion (33IB), nagsimula ang tensyon madaling-araw ng Miyerkules sa Barangay Olandang, Nabalawag, matapos ang palitan ng putok sa pagitan ng mga armadong indibidwal na sinasabing konektado sa 118th Base Command at mga miyembro ng 105th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Agad namang nagdeploy ng mga tropa ang 33rd Infantry Battalion - Philippine Army upang mamagitan at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.

Nakipag-ugnayan si Lt. Col. Germen Legada, commander ng 33IB, sa mga miyembro ng MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) na sina Ansari Manan at Abusaima upang manawagan sa agarang pagtigil ng sagupaan.

Ayon kay Salanguit, nagtatag ang pulisya ng checkpoint sa harap ng Kadingilan Barangay Hall bilang bahagi ng blocking at security operations.

Layunin nitong tumulong sa mga motorista at evacuees at mapalakas ang police visibility sa lugar.

Dakong alas-11:56 ng umaga, habang nagbabantay ang mga pulis sa checkpoint, sunod-sunod nilang narinig ang mga putok mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng matataas na uri ng armas.

Tinamaan si Umal sa kanang hita.

Gumanti ng putok ang mga pulis patungo sa hinihinalang pinagmulan ng mga bala bago umatras patungo sa municipal police station nang pansamantalang humupa ang putukan.

Dinala si Umal sa isang ospital sa Midsayap, North Cotabato para sa agarang lapatan ng lunas.

Patuloy naman ang security at checkpoint operations habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at tinutukoy ang mga nasa likod ng pamamaril.

Samantala, hindi bababa sa 800 pamilya ang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa pangambang maipit sa crossfire, ayon kay Kadingilan Punong Barangay Saiden A. Alim.

Related Articles