28 sa 119 "bomba" sa pumping stations ng MMDA palyado - COA

NATUKLASAN ng Commission on Audit (COA) na 28 sa 119 bomba o pumps na ginagamit sa malalaking pumping stations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang hindi gumagana.
Ang dahilan umano ng MMDA sa palyadong mga kagamitan ay ang pag kaka antala sa pagkukumpuni at rehabilitasyon.
Ayon sa COA sa 2025 audit report nito, nakatalaga sa MMDA sa ilalim ng Republic Act No. 7924 ang pamamahala sa flood control sa Metro Manila.
Bilang bahagi ng mandato nito, pinatatakbo ng ahensya ang isang network ng pumping stations at floodgates.
Mahalaga ang mga pumping station bilang isa sa mga pangunahing panangga laban sa pagbaha, lalo na sa mga mabababang lugar at highly urbanized areas.
Iniulat ng MMDA noong 2025 na nakamit nito ang 100% reliability ng mga pumping station at ng Effective Flood Control Operation System.
Gayunman, sinabi ng mga state auditor na may ilang limitasyon sa aktuwal na kondisyon ng mga pumping station batay sa kanilang isinagawang pagsusuri.
Para matukoy ang tunay na operational condition ng mga pumping station, sinuri ng COA ang bawat bomba.
Lumabas sa pagsusuri na 28 sa 119 na bomba, o halos isa sa bawat apat, ang hindi operational dahil kasalukuyang inaayos, pinapalitan o nire-rehabilitate.
Sa 29 malalaking pumping station na pinamamahalaan ng MMDA, 18 ang may hindi bababa sa isang bomba na nangangailangan ng pagkukumpuni.
Ipinaliwanag ng COA na upang maituring na operational ang isang pumping station, kailangang karamihan sa mga bomba nito ay serviceable.
Sa isinagawang inspeksyon, tatlong pumping station ang hindi nakatugon sa pamantayang ito.
Kabilang dito ang Uli-Uli Pumping Station at Makati Pumping Station, na kapwa walang gumaganang bomba.
Ang Libertad Pumping Station naman ay mayroon lamang dalawang operational na bomba mula sa kabuuang anim.
Ayon sa COA, maaaring hindi agad makita ang epekto ng mga limitasyong ito sa normal na kondisyon.
Ngunit kapag may malakas na pag-ulan at higit na kinakailangan ang pumping system, maaaring bumagal ang pag-alis ng tubig-baha dahil sa mababa o kawalan ng pumping capacity sa ilang lugar, na maaaring magpataas sa panganib ng localized flooding.
Sinabi ng COA na ang mga dahilan ng pagiging unserviceable ng mga bomba ay may kaugnayan sa patuloy na rehabilitasyon at warranty-related repairs na isinasagawa sa pamamagitan ng Unified Project Management Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa audit report, inilipat ng DPWH sa MMDA ang mga tungkulin sa flood control sa Metro Manila sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement noong 2002.
Gayunman, habang responsable ang MMDA sa pang-araw-araw na operasyon at performance ng mga pumping station, nananatili sa DPWH ang kontrol sa capital outlay, malalaking pagkukumpuni at infrastructure development.
Dahil nasa DPWH ang responsibilidad para sa major repairs at rehabilitation, kinakailangang makipag-ugnayan ang MMDA sa DPWH o sa mga contractor bago maibalik sa operasyon ang mga sirang bomba, ayon sa COA.
Related Articles

House OKs P72-T 2027 national budget
THE House of Representatives on Wednesday approved House Bill No. 10858, or the proposed ₱7.2-trillion General Appropriations Bill for Fiscal Year 2027, as amended, on second reading. House Committee…

P28,000 drug test bayad ni Respicio sa hamon ni Remulla
SUMAILALIM agad sa drug test ang kontrobersiyal na si Atty. Jeryll Harold Respicio, ang Vice Mayor ng Reina Mercedes sa Isabela, matapos ihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nais niyang ipas…

Opisyal ng PNP iniimbestigahan ng Napolcom dahil sa iregularidad
KASALUKUYANG iniimbestigahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) si Police Col. Froilan Uy dahil sa mga alegasyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan, pang-aapi at iba pang uri ng iregularidad. Ayon…
