Back to HomeNation

Pang. Marcos Jr. binisita ang Aeta community sa liblib na barangay sa San Marcelino, Zambales

NI JG TumbadoSeptember 2, 20262 min read0 views
 Pang. Marcos Jr. binisita ang Aeta community sa liblib na barangay sa San Marcelino, Zambales
Share:

BINISITA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules ang isang liblib na barangay sa San Marcelino, Zambales, kung saan natapos na ang pansamantalang tulay na naglalayong maibalik ang access ng mga residente lalo na ang Aeta community.

Nitong Agosto 9, naputol ang ugnayan ng mga residente ng Barangay Sta. Fe matapos tangayin ng rumaragasang ilog ang tulay na nagdurugtong sa kanila sa bayan.

Dahil sa pagbagsak ng tulay, nahiwalay ang hilagang bahagi ng Sta. Fe mula sa iba pang bahagi ng komunidad.

Tinatayang 800 residente ang napilitang gumamit ng mga pansamantalang paraan ng pagtawid at mahihirap na alternatibong ruta upang makakuha ng pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.

Inaasahang makatutulong ang bagong gawang tulay na kahoy upang mapadali ang paggalaw ng mga residente at paghahatid ng mga pangunahing produkto at serbisyo habang pinaplano ng mga awtoridad ang pagtatayo ng permanenteng kapalit nito.

Sinuri rin ni Marcos ang ilang imprastraktura sa lugar na napinsala, kabilang ang dike, paaralan at multi-purpose Hall na pawang lubog sa lupa.

Nakipagpulong din ang Pangulo sa mga residenteng naapektuhan ng insidente.

Bawat isa ay tumanggap ng ₱10,000 financial assistance, bukod pa sa mga food pack.

Kasama ni Marcos sa pagbisita sina Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, Zambales Governor Jun Ebdane, Zambales 1st District Representative at Deputy Speaker Jay Khonghun, at San Marcelino Mayor Elvis Soria.

Related Articles