Back to HomeNation

Mga pahayag ni Marcoleta sa TV interview gagamiting ebidensya sa paglilitis sa Sandiganbayan

NI JG TumbadoSeptember 29, 20262 min read0 views
Mga pahayag ni Marcoleta sa TV interview gagamiting ebidensya sa paglilitis sa Sandiganbayan
Share:

GAGAMITIN bilang ebidensya ng prosekusyon ang mga pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta sa paglilitis sa Sandiganbayan First Division kaugnay ng isa sa tatlong kasong kinakaharap nito na may kinalaman sa umano’y pagtanggap ng “regalo,” ayon sa korte nitong Martes.

Nahaharap si Marcoleta at ang kanyang co-accused na negosyanteng si Aristotle Viray sa mga kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap at sa mga pribadong indibidwal na magbigay ng regalo.

Tatlong kaso sa ilalim ng PD No. 46 ang kinakaharap ni Marcoleta kaugnay ng umano’y P75 milyong donasyong natanggap niya noong nagsisilbi pa siyang party-list lawmaker.

Sa naturang halaga, P20 milyon umano ang nagmula kay Viray.

Tinanong ni Associate Justice Juliet Manalo-San Gaspar ang prosekusyon kung plano nitong iharap sa korte ang video na naglalaman ng mga pahayag ni Marcoleta.

Ayon kay Prosecutor Marichelle Corpuz, isusumite ng prosekusyon ang video kapag iniharap na nito ang testigong mula sa Field Investigation Office ng Office of the Ombudsman na nagsuri sa naturang video.

Sa kanyang programa sa NET25 na “Sa Ganang Mamamayan” noong Nob. 8, 2025, inamin ni Marcoleta na nagbigay sa kanya ng campaign contributions ang kanyang mga “kaibigan,” sa kondisyon na hindi isisiwalat ang kanilang mga pagkakakilanlan.

Ginamit ng mga prosecutor ang naturang mga pahayag bilang batayan sa pagsasampa ng kaso laban kay Marcoleta at sa mga umano’y donor nito.

Sinabi naman ng abogado ni Marcoleta na si David Gabriel sa First Division na pumapayag silang i-stipulate o kilalanin ang authenticity ng video.

“Katulad sa ibang korte, mag-i-stipulate kami sa authenticity ng video,” ani Gabriel.

Noong Lunes, sa pamamagitan ni Gabriel, pumayag din si Marcoleta na i-stipulate ang authenticity ng video na naglalaman ng kanyang mga pahayag sa isinagawang pagdinig sa kanyang petition for bail sa kasong plunder sa Sandiganbayan Third Division.

Kasalukuyang nakakulong sina Marcoleta at ang kanyang mga donor sa New Quezon City Jail sa Barangay Payatas kaugnay ng kasong plunder.

Bukod kay Viray, kabilang din sa mga tinukoy na umano’y donor ni Marcoleta sina dating Rep. Mike Defensor at negosyanteng si Joseph Espiritu

Related Articles