Back to HomeNation

Red tide warning ibinabala ng BFAR sa Leyte

NI Alex Galang August 26, 20263 min read0 views
Red tide warning ibinabala ng BFAR sa Leyte
Share:

PINAG-IINGAT ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko laban sa pagkain, pagbebenta at pangunguha ng shellfish sa coastal waters ng Leyte matapos makitaan ng paralytic shellfish toxin o red tide ang lugar.

Sa inilabas na red tide advisory nitong Martes, Agosto 25, sinabi ng BFAR na nagpositibo sa paralytic shellfish toxin, partikular sa saxitoxin, ang mga sample mula sa apektadong karagatan.

Ayon sa ahensya, isinailalim muna sa precautionary measure ang lugar habang hinihintay ang resulta ng confirmatory testing na isinasagawa ng BFAR National Fisheries Laboratory Division.

Saklaw ng babala ang lahat ng uri ng shellfish gayundin ang Acetes, na mas kilala bilang alamang, na nakukuha mula sa mga apektadong katubigan.

Sinabi ng BFAR na layunin ng advisory na maiwasan ang posibleng pagkalason ng mga mamimili at mabawasan ang epekto ng red tide sa kabuhayan at industriya ng shellfish sa lugar.

Samantala, nananatili rin ang shellfish ban sa dalawang iba pang lugar sa Eastern Visayas dahil sa naunang pagtukoy ng red tide toxins sa mga sample mula sa kanilang karagatan. Kabilang dito ang Matarinao Bay sa Eastern Samar, na sumasaklaw sa coastal waters ng General MacArthur, Quinapondan, Hernani at Salcedo, gayundin ang coastal waters ng Biliran Island.

Itinuturing na hindi ligtas kainin ang lahat ng shellfish at Acetes o alamang na nahuhuli mula sa mga lugar na saklaw ng umiiral na shellfish ban.

Gayunman, nilinaw ng BFAR na maaari pa ring kainin ang isda, pusit, hipon at alimango mula sa mga apektadong lugar basta't sariwa at maayos na naihahanda.

Kailangang alisin ang mga lamang-loob, kabilang ang bituka at hasang, at hugasang mabuti ang mga ito bago lutuin.

Ang red tide ay tumutukoy sa pagdami o pag-iipon ng ilang uri ng algae na maaaring makalikha ng toxins na mapanganib sa tao at iba pang marine organisms.

Maaaring magkaroon ng paralytic shellfish poisoning (PSP) ang isang tao kapag nakakain ng shellfish na nakapag-ipon ng mga toxin. Binigyang-diin ng BFAR na hindi garantiya ang pagluluto upang tuluyang maalis ang mga naturang toxin, kaya mahalagang sundin ang mga shellfish ban at red tide advisory.

Pinayuhan ng ahensya ang mga mamimili na bumili lamang ng shellfish mula sa mga ligtas at aprubadong pinagkukunan at iwasang mangolekta ng shellfish mula sa mga lugar na may red tide advisory o umiiral na shellfish ban.

Sinabi ng BFAR na maglalabas ito ng panibagong abiso kapag nakumpleto na ang confirmatory laboratory testing sa mga sample mula sa mga kontaminadong lugar.

Related Articles