Back to HomeRegions

1 year old baby, nalunod sa baha sa San Simon, Pampanga

NI Edward VillosoAugust 20, 20262 min read0 views
1 year old baby, nalunod sa baha sa San Simon, Pampanga
Share:

NASAWI ang isang 1 taong gulang na sanggol matapos malunod sa baha sa Barangay Santa Monica, San Simon, Pampanga, noong gabi ng Agosto 16, kasabay ng walang tigil na pag-ulan dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyo at habagat.

Ayon sa mga magulang ng bata, hindi nila namalayan na nakalabas ng kanilang bahay ang kanilang bunsong anak habang patuloy ang malakas na buhos ng ulan.

Nang mapansin nilang nawawala ang bata, agad nila itong hinanap at kalaunan ay natagpuan na nakalubog sa baha.

Sinabi ng mga magulang na hindi nila inakalang mangyayari ang insidente sa kanilang anak.

Nakasuot umano ng diaper ang bata nang mangyari ang insidente.

Hinala ng magulang, napuno ng tubig ang diaper at naging mabigat, na maaaring nakaapekto sa kakayahan ng bata na manatiling nakalutang sa baha.

“Hindi po namin talaga inaasahan na mangyayari iyon sa bata,” ayon sa ina.

Nangyari ang insidente habang nakararanas ng tuloy-tuloy na pag-ulan ang ilang bahagi ng Pampanga, na nagdulot ng pagbaha sa mga komunidad.

Muling nagbabala ang mga awtoridad sa mga magulang at guardian na huwag hayaang lumapit o maglaro ang mga bata sa baha, lalo na sa mga lugar na hindi nakikita ang lalim, mga kanal at iba pang posibleng pagmulan ng malakas na agos.

Pinaalalahanan din ang publiko na manatiling alerto sa mabilis na pagtaas ng tubig at agad na lumikas sa mas ligtas na lugar kapag kinakailangan.

Related Articles