Ilang pangunahing lugar sa Metro Manila, binaha dahil sa habagat

ILANG pangunahing kalsada sa Metro Manila ang lumubog sa tubig baha nitong Lunes, Agosto 17, 2026, bunsod ng patuloy na pagbuhos ng malakas na paguulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Batay sa pinakahuling monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dakong alas-3:37 ng hapon, ilang lugar sa Maynila, Quezon City, Malabon, Taguig, Mandaluyong at Marikina ang nakitaan ng pagbaha.
Sa Maynila, kabilang sa mga binaha ang España Boulevard sa kanto ng Antipolo Street at M. Dela Fuente Street, Rizal Avenue sa mga kanto ng Pampanga at Bambang streets, Abad Santos Avenue sa Yuseco Street, Roxas Boulevard, Quirino Avenue at Quezon Boulevard. Umabot sa 24 pulgada ang lalim ng baha sa España Boulevard kanto ng M. Dela Fuente Street, habang nasa 17 hanggang 19 pulgada naman sa ilang bahagi ng España Boulevard at Rizal Avenue. Ilang lugar ang hindi madaanan ng mga light vehicle.
Sa Quezon City, kabilang sa mga nakaranas ng matinding pagbaha ang Amoranto Avenue, A. Bonifacio Cloverleaf, Araneta Avenue, Quezon Avenue, EDSA White Plains at ilang bahagi ng Commonwealth Avenue.
Umabot sa 26 pulgada ang baha sa A. Bonifacio Cloverleaf at Araneta Avenue, dahilan upang hindi ito madaanan ng mga sasakyan.
Nasa 19 pulgada naman ang naitalang baha sa ilang bahagi ng Amoranto Avenue at Quezon Avenue.
Samantala, sa Malabon, umabot sa 18 hanggang 19 pulgada ang baha sa Gov. Pascual Avenue, habang nasa kalahating tuhod ang lalim sa ilang bahagi ng F. Sevilla Boulevard, Barangay San Agustin at C. Arellano Street.
Nasa walong pulgada naman ang baha sa Chino Roces Avenue sa Taguig, EDSA-Ortigas Service Road southbound sa Mandaluyong, at Marcos Highway sa ilalim ng SM Marikina sa Marikina.
Ilang kalsada naman na naunang binaha ang naiulat na humupa na ang tubig, kabilang ang ilang bahagi ng EDSA Kamuning, Quezon Avenue, East Avenue, Farmers, Main Avenue at iba pang lugar sa Quezon City, Caloocan at Valenzuela.
Pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat at umiwas sa mga lugar na mataas ang tubig, lalo na sa mga rutang idineklarang hindi passable sa mga light vehicle.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nagpapatuloy ang epekto ng Habagat sa Metro Manila.
Related Articles

Pickup truck, nang araro sa North Fairview, 4 sugatan
ISANG ginang ang nasa kritikal na kondisyon habang nasa 3 iba pa ang sugatan makaraang mang araro ang pick up truck sa Barangay North Fairview, Quezon City umaga ng Miyerkules. Sa paunang impormasyon…

Sunog sumiklab sa isang residential area sa Quezon City
In photo : Mula sa mataas na gusali ay kita ang malaking bahagi na pinsala sa mga kabahayang tinutupok ng apoy habang pilit namang inaapula ng tubig ng mga rumespondeng mga bumbero sa Waling Waling St…

P496.4-M halaga ng shabu nasabat sa loob ng industrial machinery mula Mexico
NASABAT ng mga awtoridad ang tinatayang nasa P496.413 milyong halaga ng shabu na tumitimbang ng 73.002 kilo, at itinago sa loob ng industrial machinery mula Guadalajara, Mexico. Pinangunahan ng Bureau…
