Back to HomeMetro

Van kinarnap sa Kyusi, nabawi sa Cavite

NI Alex Galang August 20, 20262 min read0 views
Van kinarnap sa Kyusi, nabawi sa Cavite
Share:

Sa larawan : Ang 2023 Nissan Urvan Premium na nabawi ng mga operatiba ng District Anti Carnapping Unit ng QCPD sa Dasmarinas, Cavite matapos itong karnapin dalawang taon ng nakalilipas sa Quezon City.

MATAPOS ang dalawang taon ay nabawi ng pulisya sa lalawigan ng Cavite ang isang puting van na kinarnap sa Quezon City.

Ayon sa report, narekober ang 2023 Nissan Urvan premium noong Agosto 15 ng mga tauhan ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Quezon City Police District (QCPD) sa pangunguna ni Police Lt Col Hector Ortencio, sa Diamond Village, Salawag, Dasmariñas, Cavite.

Una umanong nagtungo sa DACU noong Agosto 12 ang rehistradong may-ari ng sasakyan upang iulat na umano’y kinuha ang nasabing sasakyan noong Mayo 2024 sa Commonwealth Avenue, Barangay Holy Spirit, Quezon City, ng isang lalaki na kinilala sa alyas na “Rodolfo.”

Kaugnay ng insidente ay nagsampa ng reklamo ang may ari ng carnapping laban sa suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Nagsagawa ng beripikasyon at pagtugis ang mga tauhan ng DACU upang matukoy ang kinaroroonan ng sasakyan.

Nitong Agosto 15, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon na nakita ang kinarnap na sasakyan sa Diamond Village.

Agad nagtungo sa lugar ang mga pulis at kinumpirmang ang sasakyan ay ang subject ng carnapping report.

Dito nilapitan ng mga awtoridad ang babaeng sakay at ipinaalam sa kanya ang status ng kanyang ginagamit na sasakyan.

Ayon sa babae, isinangla umano sa kanya ng suspek ang sasakyan na nagkakahalaga ng P500,000.00

Matapos ipaliwanag ng mga pulis ang pangyayari ay boluntaryo namang isinuko ang sasakyan at dinala sa tanggapan ng DACU sa Camp Caringal sa Quezon City para sa karagdagang imbestigasyon.

Patuloy namang isinasailalim sa pagtugis ng pulisya ang suspek. (Jeff Tumbado)

Related Articles