Back to HomeNation

BFP Director tinanggal sa serbisyo ng Ombudsman dahil sa P14.7-M cash deliveries

NI Alex Galang September 4, 20263 min read0 views
BFP Director tinanggal sa serbisyo ng Ombudsman dahil sa P14.7-M cash deliveries
Share:

TULUYANG gsinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman si Bureau of Fire Protection (BFP) Director Jesus Fernandez matapos siyang mapatunayang nagkasala sa isang administrative case kaugnay sa pagtanggap nito ng cash deliveries na umabot sa P14.7 milyon noong 2024 at 2025 mula sa supplier ng mga ambulansyang nagkakahalaga ng P485 milyon.

Nagsampa rin ang Ombudsman ng graft at bribery charges laban kay Fernandez at sa isang pribadong contractor sa Sandiganbayan.

Batay sa imbestigasyon ng Ombudsman, si Fernandez, na noon ay chairman ng Bids and Awards Committee (BAC), ay nakatanggap ng kabuuang P14.752 milyon mula sa contractor.

Kabilang dito ang cash delivery na P10.752 milyon noong Nobyembre 21, 2024, at P4 milyon noong Setyembre 25, 2025.

Pinanagot ng Ombudsman si Fernandez sa conduct prejudicial to the best interest of the service at grave misconduct, na kapwa may kaparusahan na dismissal mula sa serbisyo.

Kasama rin sa parusa ang pagkansela ng kanyang eligibility, forfeiture o pagkawala ng kanyang retirement benefits, at permanenteng pagbabawal na muling makapagtrabaho sa pamahalaan.

Samantala, sa criminal case, sinabi ng Ombudsman na may prima facie evidence na may makatwirang posibilidad ng conviction para kasuhan si Fernandez ng dalawang bilang ng indirect bribery at dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(b) ng Republic Act No. 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Nag-ugat ang mga kaso sa reklamong inihain ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos ang fact-finding investigation ng Task Force BFP Accountability kaugnay ng procurement ng 132 Type 1 Basic Life Support ambulances.

Ang kontrata para sa proyekto ay iginawad sa Toyota Mabolo, na nakipag-joint venture sa Autozone Prime Distributors, Inc.

Ayon sa Ombudsman, mahalaga ang posisyon ni Fernandez sa proseso ng procurement.

“Hindi lamang siya isang opisyal ng BFP. Siya ang fire chief ng ahensya.”

Sinabi ng Ombudsman na chairman ng BAC si Fernandez nang matanggap niya ang unang cash delivery noong Nobyembre 21, 2024, habang siya naman ang head of the procuring entity nang matanggap ang ikalawang cash delivery noong Setyembre 25, 2025.

Ayon pa sa Ombudsman, ang pagtanggap ng anumang regalo, kompensasyon, pangako o konsiderasyon mula sa sinumang indibidwal na may kaugnayan sa kanyang posisyon ay maaaring magbigay ng impresyon ng impropriety.

Maaari rin umano itong magdulot ng pagdududa sa kanyang kredibilidad at makasira sa kredibilidad ng ahensyang kanyang pinamumunuan, lalo na sa proseso ng procurement.

Kinasuhan din ng Ombudsman si Rosaverna Palairon Sangga, designated representative ng joint venture ng Toyota Mabolo at Autozone Prime Distributors, Inc., ng dalawang bilang ng Corruption of Public Officials sa ilalim ng Article 212 ng Revised Penal Code

Related Articles