Back to HomeRegions

P5-M halagang beauty products nasabat, online seller arestado sa Bulacan

Ni Edward VillosoSeptember 8, 20262 min read0 views
P5-M halagang beauty products nasabat, online seller arestado sa Bulacan
Share:

ARESTADO ang isang 37-anyos na babae na online seller matapos masamsam ang tinatayang P5 milyong halaga ng beauty products sa isang joint law enforcement operation sa San Jose del Monte City, Bulacan noong araw ng Lunes. September 7, 2026.

Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bulacan Provincial Field Unit, katuwang ang San Jose del Monte City Police Station at isang kinatawan ng Food and Drug Administration (FDA).

Ayon sa report ng pulisya, naaresto ang suspek na kinilala sa alyas "Hazel" matapos umanong magbenta at mamahagi ng beauty products sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa operasyon ang 78 kahon ng beauty creams, kabilang ang 40 kahon ng Day and Night Beauty Cream at 38 kahon ng Day Beauty Cream.

Bawat kahon ay naglalaman ng 144 piraso ng produkto, na may kabuuang tinatayang halaga na P5 milyon.

Sinabi ng PNP na isinagawa ang operasyon alinsunod sa kinakailangang koordinasyon at dokumentasyon, kabilang ang paggamit ng body-worn at iba pang recording devices. Ipinaalam din sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal bago siya dinala sa tanggapan ng CIDG Bulacan para sa kaukulang proseso.

Ayon kay Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., bahagi ang operasyon ng patuloy na pagsisikap ng pulisya na sugpuin ang mga ilegal na aktibidad na maaaring maglagay sa panganib sa mga mamimili.

“Kapag may produkto na ipinagbibili sa publiko, dapat malinaw na ito ay ligtas at sumusunod sa batas,” ani Nartatez. “Our job is to make sure that people are protected, especially in an online marketplace where transactions can happen quickly," pagtatapos nito.

Related Articles