Back to HomeRegions

15 anyos na dalagitang nawawala natagpuang patay sa bakanteng lote sa Camarines Sur

NI Edward VillosoAugust 23, 20262 min read0 views
15 anyos na dalagitang nawawala natagpuang patay sa bakanteng lote sa Camarines Sur
Share:

ISANG 15-anyos na dalagita na apat na araw ng nawawala ang natagpuang patay sa isang bakanteng lote sa Barangay Matacla, Goa, Camarines Sur, noong Biyernes.

Dakong alas-10:15 ng umaga nang matuklasan ng tatlong batang namimitas ng bunga ng amora o mulberry ang bangkay ng biktima sa Zone 3 ng barangay.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima sa alyas na “Rose,” na nakasuot ng gray jacket at blue jogging pants.

Nakumpirma ng mga kaanak ang kanyang pagkakakilanlan batay sa mga tattoo sa kanyang katawan, kabilang ang mga disenyong paruparo sa kanang braso at mga letra at pangalan sa kaliwang braso.

Ayon sa pulisya, huling nakita si Rose noong umaga ng Agosto 17 nang umalis siya sa bahay ng kanyang tiyahin at nagtungo umano sa Tigaon, Camarines Sur. Hindi na siya nakauwi nang gabing iyon.

Sinabi ng Police Regional Office 5 (PRO 5) na una nang inakala ng tiyahin na maaaring nakituloy ang dalagita sa ibang kamag-anak, dahil nakagawian umano nitong bumisita o manatili sa bahay ng mga kaanak.

Sa paunang pagsusuri, walang nakitang malinaw na panlabas na sugat sa katawan ng biktima.

Gayunman, hindi isinasantabi ng mga imbestigador ang posibilidad na may foul play habang hinihintay ang resulta ng forensic autopsy.

Nailibing na ang biktima, ngunit nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Goa Municipal Police Station upang matukoy ang mga pangyayari bago at matapos siyang mawala.

Sinusuri ng mga pulis ang mga available na CCTV footage at kinakausap ang mga taong huling nakasalamuha ng biktima bago siya nawala.

Sinabi ng PRO 5 na patuloy nilang tututukan ang kaso at gagawin ang mga kinakailangang hakbang upang makamit ang hustisya para sa biktima.

Nanawagan din ang PRO-Bicol sa mga magulang at guardian na mahigpit na subaybayan ang kanilang mga anak at maging aktibong bahagi sa kanilang kaligtasan upang maiwasan ang mga posibleng panganib

Related Articles