Back to HomeNation

DSWD itinanggi ang alegasyong ‘overpriced’ ang ipinamamahagi na Family Food Packs

NI JG TumbadoAugust 31, 20262 min read0 views
 DSWD itinanggi ang alegasyong ‘overpriced’ ang ipinamamahagi na Family Food Packs
Share:

MARIING itinanggi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kumakalat na mga social media post na nagsasabing overpriced umano ang Family Food Packs (FFPs) na ipinamahagi ng ahensya sa mga biktima ng kalamidad.

Sa pahayag ng DSWD nitong Lunes, Agosto 31, 2026, nilinaw ng ahensya na P797.80 lamang ang aktuwal na halaga ng bawat kahon, at hindi P1,503.84 gaya ng nakasaad sa ilang viral na post.

Ayon sa DSWD, ang halagang P1,503.84 ay tumutukoy sa itinakdang maximum price o ceiling price para sa mga supplier at bidder.

Hindi anya ito ang halagang aktuwal na binayaran ng pamahalaan para sa bawat food pack.

Sinabi ng ahensya na 2Go Global International Corporation ang idineklarang nanalo sa isinagawang competitive bidding matapos nitong mag-alok ng pinakamababang presyo na P797.80 kada kahon.

Ipinaliwanag din ng DSWD na hindi lamang mga pagkain ang saklaw ng halagang ito.

Kasama na rito ang mga packaging materials gaya ng vacuum-packed rice bags at karton, gastos sa paghahatid, at manpower o labor para sa pag-iimpake at paghahanda ng mga food pack.

Bawat Family Food Pack ay naglalaman ng: 6 na kilo ng vacuum-packed rice; 4 na lata ng corned beef; 4 na lata ng tuna; 2 lata ng sardinas; at 5 sachet ng kape o instant drink.

Hinimok ng DSWD ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong kumakalat sa social media at iwasang magbahagi ng mga hindi beripikado o maling ulat na maaaring makasira sa mga programa ng pamahalaan para sa mga komunidad na apektado ng kalamidad.

Pinayuhan ng ahensya ang publiko na kumuha ng impormasyon at mga opisyal na update mula sa mga lehitimong channel ng DSWD.

Para sa opisyal at beripikadong impormasyon, maaaring bisitahin ang opisyal na website ng DSWD.

Related Articles