Tugboat na ilang araw ng kinukumpuni sa dalampasigan ng zambales tuluyang lumubog.

TULUYANG lumubog sa karagatan ng Botolan, Zambales ang isang tugboat na may sakay na 10 tripulantej habang isinasagawa ang emergency salvage operation nitong Lunes ng umaga, Agosto 24.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ligtas ang lahat ng 10 katao na sakay ng tugboat at wala namang naiulat na nasugatan.
Agad na nagsitalunan sa dagat ang mga crew nang mapansin nilang tuluyan nang lumulubog ang sasakyang-dagat.
Bago ito tuluyang lumubog, isinadsad muna sa pampang ang tugboat matapos pasukin ng tubig ang butas sa hull nito.
Dahil dito, napuno ng tubig ang engine room at kinailangang ilipat ang sasakyang-dagat sa mas ligtas na lugar sa pamamagitan ng salvage operation.
Bandang alas-7:46 ng umaga nang mangyari ang insidente habang hinihila ang tugboat palayo sa pampang.
Habang isinasagawa ang operasyon, unti-unti itong tumagilid sa kanang bahagi hanggang sa tuluyang lumubog sa tinatayang 24 metrong lalim.
Nabatid na may kargang humigit-kumulang 15,000 litro ng diesel ang tugboat nang mangyari ang insidente.
Bagama't sinasabing buo pa ang fuel tank, mahigpit na mino-monitor ng PCG ang lugar dahil sa posibilidad ng pagtagas ng langis.
Nagpatupad na rin ang coast guard ng shoreline patrol sa paligid ng pinaglubugan ng tugboat at sa kahabaan ng Bucao River.
Naghanda rin ang mga awtoridad ng mga absorbent pad na gagamitin agad sakaling may matukoy na bakas ng diesel o langis sa tubig.
Patuloy namang inaalam ng PCG ang eksaktong dahilan ng paglubog ng tugboat.
Sa paunang imbestigasyon, may narinig umanong malakas na kalabog bago tuluyang lumubog ang sasakyang-dagat.
Sinusuri ngayon ng mga awtoridad ang posibilidad na tumama ang tugboat sa mga nakalubog na metal debris sa lugar, kabilang ang ilang bahagi ng isang dating lumubog na sasakyang-dagat.
Hindi rin inaalis ang posibilidad na nakadagdag sa insidente ang maalong kondisyon ng dagat.
Nakikipag-ugnayan na ang PCG sa operator ng tugboat, kapitan nito at iba pang concerned stakeholders upang matukoy ang susunod na hakbang, partikular sa paghawak sa humigit-kumulang 15,000 litro ng diesel na karga ng lumubog na tugboat.
Related Articles

Lalaki na may 5 kaso ng rape timbog matapos ang 2 taong pagtatago
ARESTADO ang isang 53-anyos na lalaki na wanted sa limang bilang ng panggagahasa matapos ang dalawang taong pagtatago sa Misamis Oriental, ayon sa pulisya nitong Huwebes. Kinilala ang suspek sa alyas …

P20.4-M halaga ng shabu nasabat; high value target arestado sa Zamboanga City
ARESTADO ang isang itinuturing na high-value drug suspect matapos masamsam ang tinatayang nasa P20.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Mercedes, Zamboa…

Suntukan nauwi sa pamamaril, isa patay 3 sugatan
ISA ang nasawi habang dalawang iba pa ang sugatan makaraang mauwi sa pamamaril ang komprontasyon ng dalawang grupo ng kalalakihan sa labas ng isang bar sa kahabaan ng bypass road sa Tarlac City. Nabat…
