Back to HomeNation

El Niño phenomenon posibleng lumakas pa sa Oktubre - Pagasa

NI Alex Galang September 23, 20262 min read0 views
El Niño phenomenon posibleng lumakas pa sa Oktubre - Pagasa
Share:

INAASAHANG titindi pa ang umiiral na El Niño phenomenon pagsapit ng Oktubre at maaaring umabot sa “very strong” state bago matapos ang taon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa pinakahuling climate monitoring ng PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2027, habang patuloy na mino-monitor ng ahensya ang magiging epekto nito sa rainfall at temperatura sa bansa.

Inaasahan ding mas magiging kapansin-pansin ang epekto ng El Niño mula Oktubre 2026 hanggang Pebrero 2027, kabilang ang posibilidad ng mas mababang pag-ulan, dry spells at drought sa ilang bahagi ng Pilipinas.

Maaari ring makaranas ang bansa ng mas mataas na temperatura kaysa sa karaniwan sa panahon ng pag-iral ng El Niño.

Posible namang maapektuhan ng matagal na tuyong kondisyon ang sektor ng agrikultura, suplay ng tubig, irigasyon at power generation, partikular sa mga lugar na makakaranas ng matinding kakulangan sa ulan.

Gayunman, nilinaw ng PAGASA na hindi nangangahulugan ang El Niño na magiging tuyo ang buong bansa.

Maaari pa ring magkaroon ng pag-ulan sa ilang lugar, lalo na sa western sections ng bansa kapag aktibo ang Southwest Monsoon o Habagat.

Hindi rin opisyal na classification ng PAGASA ang terminong “Super El Niño.”

Sa kanilang monitoring, ginagamit ang terminong “very strong El Niño” upang ilarawan ang inaasahang lakas ng climate phenomenon.

Patuloy na naglalabas ang PAGASA ng mga advisory at climate outlook upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, magsasaka at iba pang sektor na makapaghanda sa posibleng epekto ng El Niño.

Related Articles