Nagbiro ng may bomba sa loob ng bag, estudyante kalaboso

SA halip na silid paaralan ay diretso sa kulungan ng pulisya ang isang college student makaraang magbiro ito na may bomba sa kanyang bag habang sya ay kinakapkapan sa gate ng pinapasukang unibersidad sa Argao City, Cebu, Martes ng hapon.
“Baka may bomba diyan at sumabog,” ang pabirong sinabi ng 20 anyos na estudyante sa security guard na nagsasagawa ng inspeksyon sa kanyang bag.
Gayunman, hindi nagbiro ang guwardiya at itinuring na seryosong banta ang sinabi ng estudyante kung kayat agad ipinaalam sa Student Affairs Office (SAO) ng paaralan ang pangyayari.
Naganap ang insidente pasado alas-3 ng hapon nitong Agosto 25 sa main entrance ng hindi na pinabanggit na paaralan.
Matapos ipaalam ng guwardiya ang insidente, tumawag ang Dean of Student Affairs sa pulisya dahil sa bigat ng naturang banta.
Kalaunan, isinuko sa pulisya ang estudyante para sa kaukulang imbestigasyon.
Ayon kay Police Staff Sergeant Mark Anthony Dicdican, imbestigador ng Argao Police Station, naisampa na nitong araw ng Miyerkules, Agosto 26 ang reklamo laban sa estudyante.
Sinabi ni Dicdican na kinasuhan ang estudyante dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1727, na nagpaparusa sa malisyosong pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa mga bomba at pampasabog.
Paalala ng pulisya sa publiko, seryosong usapin ang pagbibiro tungkol sa bomba, maging sa paliparan, pampublikong sasakyan, paaralan, o iba pang pampublikong lugar, dahil maaari itong humantong sa pananagutan sa ilalim ng batas.
Related Articles

Lalaki na may 5 kaso ng rape timbog matapos ang 2 taong pagtatago
ARESTADO ang isang 53-anyos na lalaki na wanted sa limang bilang ng panggagahasa matapos ang dalawang taong pagtatago sa Misamis Oriental, ayon sa pulisya nitong Huwebes. Kinilala ang suspek sa alyas …

P20.4-M halaga ng shabu nasabat; high value target arestado sa Zamboanga City
ARESTADO ang isang itinuturing na high-value drug suspect matapos masamsam ang tinatayang nasa P20.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Mercedes, Zamboa…

Suntukan nauwi sa pamamaril, isa patay 3 sugatan
ISA ang nasawi habang dalawang iba pa ang sugatan makaraang mauwi sa pamamaril ang komprontasyon ng dalawang grupo ng kalalakihan sa labas ng isang bar sa kahabaan ng bypass road sa Tarlac City. Nabat…
