Back to HomeNation

DILG isinusulong ang home invasion sa mga registered gun owner

NI Alex Galang August 27, 20262 min read0 views
DILG isinusulong ang home invasion sa mga registered gun owner
Share:

ISINUSULONG ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang mas mahigpit na mga hakbang para sa kaligtasan sa paggamit at pag-iingat ng mga baril, kabilang ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng inspeksyon sa bahay ng mga rehistradong may-ari ng baril upang matiyak na ligtas at maayos ang pagkakarekado ng kanilang mga armas.

Ayon kay Remulla, dapat magkaroon ng legal na kapangyarihan ang mga awtoridad na inspeksyunin ang mga tahanan ng gun owners upang mapatunayan kung sumusunod ang mga ito sa mga panuntunan sa ligtas na pag-iimbak ng armas.

Iginiit niya na ang pagmamay-ari ng baril ay isang regulated privilege at may kaakibat na responsibilidad, hindi isang ganap na karapatan.

Kasunod ito ng mga insidente ng pamamaril na kinasasangkutan ng mga paaralan at kabataan, kabilang ang mga kaso kung saan nakakuha ng access sa baril ang mga menor de edad o mga taong walang awtorisasyon.

May mga insidente rin na kinasangkutan ng mga baril na pag-aari o ipinagkaloob sa mga kawani ng gobyerno.

Nais din ni Remulla na magkaroon ng batas na magpapataw ng criminal liability sa mga gun owner na mapatunayang naging pabaya sa pag-iingat ng kanilang armas at dahil dito ay nagamit o napunta sa kamay ng mga hindi awtorisadong indibidwal.

Layunin ng panukala na magkaroon ng mas mabigat na pananagutan sa halip na simpleng pagtrato sa kapabayaan bilang reckless imprudence, lalo na kung ang hindi ligtas na pag-iimbak ng baril ay humantong sa seryosong insidente.

Samantala, nananawagan din si Remulla sa Kongreso na higpitan ang mga parusa laban sa mga loose firearm, kabilang ang ilegal na pagmamay-ari ng mga hindi rehistrado o undocumented na baril.

Sa ilalim ng panukalang mas mahigpit na parusa, maaaring umabot sa 20 taon ang pagkakakulong ng mga lalabag, depende sa uri at mga pangyayari ng paglabag.

Kailangan umano ang mas mahigpit na regulasyon upang maiwasang mapunta ang mga baril sa kamay ng mga menor de edad, kriminal at iba pang hindi awtorisadong tao, gayundin upang mapalakas ang pananagutan ng mga legal na may-ari ng armas.

Inaasahang magiging bahagi ang mga panukalang ito ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang higpitan ang regulasyon sa mga baril, palakasin ang gun safety at mabawasan ang panganib ng mga insidenteng may kaugnayan sa ilegal o hindi ligtas na pag-iingat ng armas.

Related Articles