Back to HomeMetro

PISTON tuloy ang tigil-pasada sa kabila ng fare hike, fuel rollback

NI Alex Galang September 30, 20262 min read0 views
PISTON tuloy ang tigil-pasada sa kabila ng fare hike, fuel rollback
Share:

ITUTULOY ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang dalawang araw na tigil-pasada na nag simula araw ng Martes, Setyembre 29 at magtatapos ngayong araw ng Miyerkules, Setyembre 30, sa kabila ng ipinatupad na dagdag-pasahe at rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Nagsimula ang tigil-pasada ng PISTON bilang panawagan sa mas mababang presyo ng langis at karagdagang suporta para sa mga tsuper at operator.

Ayon kay PISTON President Mody Floranda, hindi sapat ang kasalukuyang dagdag-pasahe upang matugunan ang mataas na gastusin sa krudo, maintenance, at iba pang operasyon ng mga pampublikong sasakyan.

Kabilang sa mga pangunahing panawagan ng PISTON ang pagtanggal sa excise tax at value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, pagbaba ng presyo ng diesel sa P55 kada litro, at pagbasura sa Oil Deregulation Law.

Hinihiling din ng grupo ang karagdagang P10 sa pasahe upang makatulong sa mga tsuper na nahaharap sa patuloy na pagtaas ng gastusin.

Kasabay nito, nagpatupad ang mga kompanya ng langis nitong Martes ng malakihang rollback sa presyo ng petrolyo. Bumaba ng P7.60 kada litro ang diesel, P0.30 ang gasolina at P5.90 ang kerosene.

Gayunman, iginiit ng PISTON na hindi sapat ang rollback upang matugunan ang kanilang mga hinaing, lalo na dahil nananatili umanong mataas ang presyo ng diesel at iba pang gastusin sa operasyon.

Related Articles