Back to HomeRegions

3 patay, 15 sugatan sa mga insidente ng karahasan sa BARMM polls

NI Alex Galang September 14, 20263 min read0 views
3 patay, 15 sugatan sa mga insidente ng karahasan sa BARMM polls
Share:

TATLONG sibilyan ang nasawi habang 15 iba pa ang nasugatan, kabilang ang isang incumbent councilor, sa magkakahiwalay na insidente ng karahasan na naitala ng Philippine National Police (PNP) kasabay ng unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Lunes.

Ayon kay PNP Public Information Chief Col. Allen Rae Co, hindi bababa sa pitong insidente ng karahasan ang naitala ng pambansang pulisya habang isinasagawa ang halalan.

Kabilang dito ang tatlong hinihinalang insidente ng pamamaril sa Basilan, Cotabato City at Maguindanao del Sur.

Unang iniulat na insidente ng pamamaril ay naganap nitong gabi ng Linggo, Setyembre 13, sa harapan ng Datu Usman Mampen Elementary School sa Brgy. Bagua, Cotabato City.

Sinasabi sa imbestigasyon na nagkainitan sa pila ang magkabilang partido at kanilang mga supporters na nauwi sa madugong insidente.

Isa sa mga nasugatan ay ang kasalukuyang konsehal na si Councilor Marouf “Pabo” Pasawiran.

Patuloy parin ang pag iimbestiga ng pulisya sa insidente upang malaman ang mga taong sangkot sa krimen.

Nakapagtala rin ang pulisya ng tatlong insidente ng umano'y pagsabog sa Cotabato City, habang isang hinihinalang improvised explosive device (IED) ang naiulat na natagpuan sa Basilan.

Samantala, isang indibidwal naman ang nasugatan sa isa pang insidente ng umano'y pagsabog sa Cotabato City.

Ayon kay Co, ang lalaking nasabugan ng IED sa Basilan na nasa kritikal na kondisyon ngayon ay siya rin na umano'y nagdala ng pampasabog.

“This is the person himself who brought the IED. Siya mismo. As of now, considered siya as suspect. Siya mismo may dala,” ani Co.

Dinala sa ospital ang suspek para gamutin at nasa stable na kondisyon umano ito.

Sinabi ni Co na hinihintay ng mga awtoridad ang pagkakataong makausap at maimbestigahan ito.

Patuloy naman ang validation ng PNP sa mga detalye ng iba pang insidenteng naitala sa BARMM.

Ayon kay Co, itinuturing sa ngayon ang mga insidente bilang mga hinihinalang election-related incidents, ngunit hindi muna naglabas ang PNP ng karagdagang detalye habang isinasagawa ang beripikasyon.

“Upon validation, mailalabas. But, we do not want na unahan doon sa pag-validate,” ani Co.

Batay naman sa paunang pagsusuri ng Commission on Elections (Comelec), sinabi ni Co na posibleng layunin ng mga insidente na gambalain o pigilan ang pagsasagawa ng halalan.

“Based sa initial analysis ng Comelec, this was meant to derail. Maybe ang kanilang pakay is to try and stop the election. But, we will not allow this to derail our electoral process,” ani Co.

Sa kabila ng mga insidente, iginiit ni Co na nananatiling “generally peaceful” ang halalan sa malaking bahagi ng BARMM.

“In the majority of areas in BARMM, napaka-peaceful ng electoral process. Nangyari lang na may incidents like this. We are calibrating our response,” ani Co.

Sinabi rin ng PNP na wala pa itong naitatalang insidente ng vote-buying kaugnay ng halalan.

Samantala, kaugnay ng mga ulat na nasa 800 guro ang umatras sa kanilang tungkulin bilang election personnel dahil sa pangamba sa seguridad, sinabi ni Co na nakahanda ang PNP na mag-deploy ng karagdagang tauhan.

Ayon sa kanya, nasa 1,784 PNP personnel ang nakahanda para magsilbi bilang Special Electoral Board members upang makatulong na matiyak ang maayos at ligtas na pagpapatuloy ng halalan sa BARMM.

Related Articles