Back to HomeNation

Hepe ng HPG-NCR, 11 pang tauhan sinibak sa puwesto kaugnay ng komprontasyon vs ilang mga customs police

NI Alex GalangAugust 23, 20262 min read0 views
Hepe ng HPG-NCR, 11 pang tauhan sinibak sa puwesto kaugnay ng komprontasyon vs ilang mga customs police
Share:

TINANGGAL sa puwesto ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang hepe nito sa National Capital Region (NCR) na si Police Col. Joey Tomas Caise at 11 tauhan nito matapos ang umano’y insidente ng pakikipagkomprontasyon sa mga tauhan ng Enforcement and Security Service (ESS) ng Bureau of Customs (BOC) sa Bulacan kamakailan.

Iniutos mismo ni HPG Director Brig. Gen. Rommel Batangan ang administrative relief sa 12 pulis habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidenteng iniulat na naganap sa isang pasilidad ng pagsusunog o pag-iincinerate sa mga nakumpiskang puslit na sigarilyo sa Bulacan.

Ayon sa ulat, isang grupo ng HPG-NCR personnel na sinasabing pinamumunuan ni Police Lt. Col. Carlo Loñosa ang umano’y nang-harass, nag dis-arma at nanutok pa ng baril sa mga tauhan ng Customs Police habang tinatangka umanong kunin ang mga kontrabandong sigarilyo na nakatakdang sunugin.

Matapos malaman ang insidente, agad umanong tumawag si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa PNP command.

Ang agarang pagsibak sa mga sangkot na pulis ay bahagi umano ng hakbang ng PNP upang matiyak na magiging patas at walang panghihimasok sa imbestigasyon.

Sinabi ng HPG na seryoso nitong tinutugunan ang mga alegasyon at tutukuyin sa imbestigasyon kung ano ang naging ugat ng insidente, kung may armas ngang itinutok sa mga tauhan ng Customs at kung may legal na awtoridad ang mga pulis na makialam sa proseso ng pagsira sa mga nakumpiskang kontrabando.

Samantala, nagpapatuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa malawakang smuggling ng sigarilyo, kasabay ng pinaigting na operasyon ng BOC at iba pang law enforcement agencies laban sa mga nagbebenta at nag-iimbak ng mga kontrabandong produktong tabako.

Related Articles