Back to HomeRegions

20-anyos na culinary graduate, arestado matapos magbanta ng school shooting sa Cebu

NI Edward VillosoAugust 20, 20261 min read0 views
20-anyos na culinary graduate, arestado matapos magbanta ng school shooting sa Cebu
Share:

ARESTADO ang isang 20-anyos na culinary graduate matapos umano nitong magbanta sa isang TikTok livestream na magsasagawa sya ng pamamaril sa isang pribadong unibersidad sa Cebu City.

Ayon sa pulisya, isinagawa ng suspek ang pagbabanta kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa bansa, kabilang ang naganap na school shooting kamakailan sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU).

Kinilala ng pulisya ang suspek sa pangalang “Clarence,” residente ng Barangay Tabok, Mandaue City.

Naaresto ang suspek makalipas ang halos dalawang araw ng kanyang TikTok livestream kung saan sya nagbanta na pupunta sa isang malaking unibersidad sa Cebu City upang mamaril doon.

Sa comment section ng kanyang livestream, sinabi umano ng suspek: “Mag School Shooting ko ara ugma.” o “Mag-school shooting ako roon bukas.”

Nakita ng isang estudyante ng nasabing unibersidad ang komento at agad humingi ng tulong sa Parian Police Station at sa PNP Anti-Cybercrime Unit upang matukoy at mahanap ang suspek.

Ikinasa agad ang operasyon laban sa suspek nang matukoy ng pulisya ang kinaroroonan nito sa Purok Mangga, Barangay Altavista, Poro, Camotes Island.

Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 kaugnay ng umano’y pagbabanta na kanyang ginawa online.

Related Articles