Back to HomeMetro

Dalawang kabataan, natagpuang nakahandusay at baldado sa isang sapa sa QC

NI Alex Galang October 2, 20262 min read0 views
Dalawang kabataan, natagpuang nakahandusay at baldado sa isang sapa sa QC
Share:

In photo : Pinagtulungan na ng mga pulis at taga Quezon City BFP na mailagay sa spine board ang dalawang kabataan na kapwa natagpuang baldado sa gitna ng sapa sa Cubao, Quezon City kahapon ng umaga.

MALAKING palaisipan sa mga residente sa Barangay Pinagkaisahan sa Cubao, Quezon City ang pagkakatagpo sa dalawang kabataan na kapwa nakahandusay at hindi makagalaw habang ang mga ito ay nasa gitna ng sapa nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 2.

Ayon sa inisyal na impormasyon mula sa Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD), isang babae at isang lalaki, na tinatayang nasa 18 hanggang 20 ang edad ang sinasabing tila paralisado ng matagpuan sa lugar.

Ayon sa pulisya, nagmula umano sa Baguio ang dalawa. Dakong alas-7 ng umaga nang mapansin ng mga residente ang dalawang kabataan na nakahandusay at tila hindi gumagalaw, dahilan upang isipin ng ilan na patay na ang mga ito.

Gayunman, nang lapitan at silipin ng mga residente, kapwa umano buhay ang dalawa ngunit nanginginig at hindi makagalaw.

Nang makausap, sinabi umano ng mga biktima na nakararanas sila ng matinding pananakit sa bahagi ng kanilang balakang at puwit.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP) at isinugod ang dalawang kabataan sa ospital para sa agarang atensiyong medikal.

Hindi pa malinaw kung paano napunta ang dalawa sa gitna ng sapa, kung ano ang kanilang pinagdaanan bago natagpuan.

Patuloy pa na iniimbestigahan ng QCPD ang insidente.

Related Articles