Romualdez inilagay sa infirmary ng New Quezon City Jail; Isasailalim sa medical supervision

INILAGAY si dating House Speaker Martin Romualdez sa infirmary ng New Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas, kasama ang tatlo pang persons deprived of liberty (PDLs), ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Sinabi ni Remulla na naging batayan ng paglilipat kay Romualdez ang pagsusuri ng Philippine General Hospital (PGH) na nagsabing siya ay “fit to be confined” sa Payatas jail, ngunit kailangan pa ring sumailalim sa medical supervision.
Sa isang press briefing sa Camp Crame nitong Martes, sinabi ni Remulla na ang silid na kinalalagyan ng dating House Speaker ay may tinatayang sukat na 50 square meters at nilagyan ng mga hospital bed, common bathroom at malaking exhaust fan.
Wala umanong air conditioning unit sa silid, ayon kay Remulla.
Tumanggi naman ang kalihim na pangalanan ang tatlo pang PDL na kasama ni Romualdez sa silid, alinsunod umano sa protocol.
Batay sa rekomendasyon ng mga doktor ng PGH, kailangang magkaroon si Romualdez ng 30 minutong ehersisyo bawat araw. Maaari umano niya itong gawin sa loob ng compound ng Payatas City Jail.
Sinabi rin ni Remulla na posibleng makasalamuha ni Romualdez ang iba pang high-profile PDL na nakakulong sa naturang pasilidad, kabilang sina Sen. Rodante Marcoleta, dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) officials Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
“It’s his prerogative,” ani Remulla, na nagsabing nakasalalay kay Romualdez kung makikipag-ugnayan siya sa iba pang mga nakakulong.
Inireseta rin umano kay Romualdez ang regular na electrocardiogram (ECG) isang beses kada linggo at paggamit ng continuous positive airway pressure (CPAP) machine.
Gayunman, sinabi ni Remulla na hindi umano pumayag ang dating House Speaker na gamitin ang CPAP machine.
Pinapayagan naman si Romualdez na tumanggap ng mga bisita mula alas-1 hanggang alas-5 ng hapon tuwing weekdays, maliban sa Lunes.
Ayon kay Remulla, mga doktor pa lamang ni Romualdez ang bumibisita sa kanya sa ngayon.
Sinabi rin ng kalihim na hindi pa niya personal na nakausap si Romualdez mula nang ilipat ito sa kulungan.
Inilipat si Romualdez sa New Quezon City Jail noong Lunes ng gabi matapos maglabas ng kautusan ang Sandiganbayan Third Division.
Sa briefing, ipinaliwanag naman ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera na sumailalim si Romualdez sa booking procedures matapos siyang ilipat sa pasilidad, kabilang ang fingerprinting at pagkuha ng mugshots.
Ayon kay Bustinera, wala pa umanong naitatalang insidente o negatibong ulat mula nang ikulong si Romualdez sa naturang pasilidad.
“Sa ngayon, wala namang natanggap ang BJMP na any incident or negative report since pagkakakulong ni former [House Speaker] Romualdez, and we presume normal situation as of today,” ani Bustinera.
Samantala, sinabi ni Remulla na mga doktor ni Romualdez ang tutukoy kung hanggang kailan siya mananatili sa infirmary ng New Quezon City Jail
Dahil dito, hindi pa matukoy kung kailan siya tuluyang ililipat mula sa infirmary patungo sa regular na detention area
Related Articles

House OKs P72-T 2027 national budget
THE House of Representatives on Wednesday approved House Bill No. 10858, or the proposed ₱7.2-trillion General Appropriations Bill for Fiscal Year 2027, as amended, on second reading. House Committee…

P28,000 drug test bayad ni Respicio sa hamon ni Remulla
SUMAILALIM agad sa drug test ang kontrobersiyal na si Atty. Jeryll Harold Respicio, ang Vice Mayor ng Reina Mercedes sa Isabela, matapos ihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nais niyang ipas…

Opisyal ng PNP iniimbestigahan ng Napolcom dahil sa iregularidad
KASALUKUYANG iniimbestigahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) si Police Col. Froilan Uy dahil sa mga alegasyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan, pang-aapi at iba pang uri ng iregularidad. Ayon…
