Back to HomeRegions

2 batang Aeta na nawawala matapos tumaob ang bangka sa Mapanuepe Lake, natagpuan na

NI Edward VillosoAugust 29, 20262 min read0 views
2 batang Aeta na nawawala matapos tumaob ang bangka sa Mapanuepe Lake, natagpuan na
Share:

KAPWA wala ng buhay ng matagpuan ng mga awtoridad ang dalawang batang katutubong Aeta na nawawala matapos tumaob ang kanilang sinasakyang motorized banca sa Mapanuepe Lake sa San Marcelino, Zambales nitong Huwebes.

Ayon sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), araw ng Sabado, August 29, unang narekober ng ilang residente ang labi ng 3 taong gulang na babae na si Chandnea Serrano dela Cruz dakong alas 10:10 ng umaga at ang 8 taong gulang na si Anqelito Serrano Liwanag na nakuha bandang alas 11 ng tanghali ng rescue team.

Nabatid kay Police Maj. Exodus Rodriguez, hepe ng San Marcelino Police, isang residente na patungo sa Barangay Buhawen ang nakakita sa katawan ng 3-anyos na batang babae habang naglalakbay sa lawa.

Iniahon ng residente ang bata at dinala sa mga awtoridad, kung saan kinumpirma ng kanyang ama ang kanyang pagkakakilanlan.

Matapos mabawi ang katawan ng batang babae, humingi ng tulong ang mga pulis sa isang boatman upang makabalik sa lugar kung saan siya natagpuan.

Hindi nagtagal, nakita rin nila ang katawan ni Anqelito na malapit sa lugar at agad itong narekober.

Sinabi ni Rodriguez na pabago-bago ang lagay ng panahon habang isinasagawa ang search and rescue operation.

Pababa-baba ang ulan at hangin ngunit bigla itong lumalakas, dahilan upang maging mahirap ang paghahanap sa mga labi.

Sa kabila nito, ipinagpatuloy ng mga awtoridad ang search operation para sa natitira pang nawawalang pasahero na isang 26-anyos na buntis.

Noong Huwebes, Agosto 27, sakay ang 13 Aeta ng isang motor banca nang tumaob ito malapit sa Sunken Church sa Barangay Buhawen habang pabalik sila sa kanilang komunidad sa Sitio Lumibao.

Sa pagkakarekober sa dalawang bata, umabot na sa walo ang nasawi sa insidente, kabilang ang limang bata, habang apat na pasahero ang nakaligtas.

Patuloy naman ang paghahanap sa isa pang nawawalang pasaherong buntis.

Related Articles