Back to HomeRegions

3 Hotel staff nasawi matapos ma-trap sa sewage facility sa Davao City

NI Alex GalangOctober 8, 20262 min read0 views
3 Hotel staff nasawi matapos ma-trap sa sewage facility sa Davao City
Share:

TATLONG lalaki na bahagi ng engineering at maintenance team ng isang hotel ang nasawi matapos ma-trap sa loob ng sewage treatment facility habang nagsasagawa ng maintenance work sa Davao City, madaling araw ng Lunes.

Ayon sa Davao City Fire District, kabilang sa mga biktima ang isang engineer at dalawang maintenance crew.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection matapos iulat ang insidente.

Kinailangan munang magsuot ng self-contained breathing apparatus (SCBA) ang mga rescuer bago pumasok sa pasilidad dahil nakitaan ito ng mapanganib na antas ng carbon monoxide.

Sinabi ni Fire Senior Inspector Frances Marie Sendrijas, tagapagsalita ng Davao City Fire District, na wala nang buhay nang matagpuan ng mga responder ang tatlong biktima.

Hindi umano agad nakapasok ang mga rescuer dahil isinailalim muna sa pagsusuri ang lugar upang matiyak na ligtas ang mga ito laban sa nakalalasong gas.

Gumamit din ang mga awtoridad ng air quality monitoring device upang masukat ang lebel ng carbon monoxide sa loob ng pasilidad.

Ayon kay Sendrijas, mapanganib ang mataas na konsentrasyon ng carbon monoxide dahil maaari itong magdulot ng pagkalason at suffocation, partikular sa mga taong matagal na malantad dito.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung paano na-trap ang tatlong sa sewage facility ng hotel.

Tinitingnan din ng mga imbestigador kung may posibleng pagkukulang sa safety protocols o iba pang pananagutan kaugnay ng insidente.

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay ang pamunuan ng Dusit Thani Davao sa mga naulilang pamilya ng mga biktima at sinabing nakahanda silang makipagtulungan sa mga awtoridad sa isinasagawang imbestigasyon.

Related Articles