Back to HomeRegions

Zambales provincial government dinoble ang paghahanda sa Super Bagyong Obet

NI Edward VillosoAugust 24, 20262 min read0 views
Zambales provincial government dinoble ang paghahanda sa Super Bagyong Obet
Share:

MAS pinaigting ng pamahalaang panlalawigan ng Zambales ang mga hakbang sa disaster preparedness habang naghahanda ang lalawigan sa posibleng epekto ng Super Bagyong “Obet” (international name: Saudel), kasunod ng pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyong Luis at Maymay at ng habagat.

Pinangunahan ni Governor Jun Ebdane, katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang paghahanda at koordinasyon sa mga municipal government sa buong Zambales, partikular sa mga lugar na naapektuhan na ng mga nakaraang sama ng panahon.

Isinasagawa na rin ang preemptive evacuation sa mga residente sa mga coastal community, mabababang lugar at mga lugar na malapit sa ilog na posibleng maapektuhan ng pagbaha, storm surge at iba pang panganib.

Binalaan din ng mga awtoridad ang mga residente sa mga bulnerableng lugar na manatiling alerto sa posibleng pagguho ng lupa at mudslide, lalo na sa mga bulubunduking lugar at mga lugar na matagal nang basang-basa dahil sa malalakas na pag-ulan.

Nakapaghanda na rin ang mga evacuation center sa iba’t ibang bayan upang matanggap ang mga residenteng kailangang lumikas. Inihanda rin ang mga relief goods at iba pang pangunahing pangangailangan para sa agarang pamamahagi.

Naka-standby at pre-activated na rin ang mga emergency response team para sa posibleng deployment, kabilang ang rescue at iba pang emergency operations sakaling lumala ang sitwasyon.

Binigyang-diin ni Ebdane na nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang kaligtasan at proteksyon ng mga residente.

Inatasan ng gobernador ang mga municipal government na tiyaking mabibigyan ng sapat na tulong ang mga residenteng naapektuhan at lumikas, partikular ang mga nasa high-risk communities, habang patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang paparating na weather systems.

Kasalukuyang nasa state of calamity ang buong lalawigan matapos matinding hagupitin ng mga nagdaang bagyo at patuloy na habagat.

Dahil sa walang tigil na malalakas na pag-ulan, nakaranas ng malawakang pagbaha ang ilang pangunahing bayan sa Zambales, habang patuloy ding tumataas ang lebel ng tubig sa mga pangunahing ilog sa lalawigan

Related Articles