Back to HomeNation

NLEX pinagpapaliwanag ng TRB sa pagbaha sa Tulaoc Bridge na nagdulot ng matinding trapiko sa bahagi ng San Simon Interchange sa Pampanga

NI Alex Galang September 2, 20262 min read0 views
NLEX pinagpapaliwanag ng TRB sa pagbaha sa Tulaoc Bridge na nagdulot ng matinding trapiko sa bahagi ng San Simon Interchange sa Pampanga
Share:

INATASAN ng Toll Regulatory Board (TRB) ang North Luzon Expressway (NLEX) Corporation na magpaliwanag hinggil sa pagbaha sa Tulaoc Bridge, malapit sa San Simon, Pampanga, na nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko na kung saan umabot pa sa halos 24 oras ang tigil ng mga sasakyan nitong nakaraang mga araw.

Sa liham na ibinahagi ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules, sinabi ng TRB na ipinadala nito noong Agosto 31 ang kautusan sa NLEX Corporation na magsumite sa loob ng tatlong araw ng detalyadong paliwanag sa nangyaring pagbaha, gayundin ng mga hakbang na kanilang ipatutupad upang maiwasan ang muling pagbaha sa San Simon at Tulaoc, Pampanga.

Nagdulot ng matinding pagbaha sa naturang bahagi ng expressway ang malakas na pag-ulan na dala ng habagat nitong nakaraang weekend, dahilan upang maraming motorista ang ma-stranded at gumugol ng mas mahabang oras sa biyahe kaysa sa karaniwan.

Sa hiwalay na liham, inatasan din ng TRB ang NLEX Corporation na isaalang-alang ang pagsasauli ng toll fee sa mga Class 1 vehicle na napilitang mag-U-turn dahil sa pagbaha sa apektadong bahagi ng expressway.

Inatasan din ng TRB ang management na magbigay ng babala sa mga motorista tatlong oras bago ang inaasahang malakas na pag-ulan sa pamamagitan ng Variable Message Signs (VMS), portable VMS at iba pang messaging platforms.

Ayon sa TRB, dapat ipabatid sa publiko na maaaring isara sa trapiko ang San Simon–Pulilan Segment ng NLEX kapag umabot sa kritikal na antas ang tubig dahil sa matinding pag-ulan.

“Sa ganitong mga pagkakataon, inaatasan din ang NLEX Corporation na mahigpit na makipag-ugnayan sa DOTr at TRB upang matiyak ang agarang pagpapatupad ng naaangkop na mga hakbang laban sa pagbaha at iba pang kinakailangang interbensyon,” ayon sa TRB.

Layunin umano nito na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga motorista at mabawasan ang pagkaantala sa daloy ng trapiko.

Noong Lunes, humingi ng paumanhin ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), operator ng NLEX, sa mga motorista dahil sa abalang idinulot ng pagbaha.

Nangako rin ang kumpanya na maglalagay ng mga konkretong harang (concrete barriers) sa mga apektadong bahagi ng expressway upang makatulong sa pag-iwas sa muling pag-apaw ng tubig at iba pang epekto ng pagbaha.

Related Articles