Back to HomeMetro

NAPOLCOM, ipinag-utos ang masusing imbestigasyon sa pulis na umano’y nanakit at nagbanta sa estudyante

NI Alex Galang September 2, 20262 min read0 views
NAPOLCOM, ipinag-utos ang masusing imbestigasyon sa pulis na umano’y nanakit at nagbanta sa estudyante
Share:

In photo : Si alyas "Ace", ang biktimang nakaranas ng pagmamalupit mula kay PSMS Don Carlos Almonidovar, ng humarap kay Napolcom Commissioner Atty. Ralph Calinisan upang ipagharap ng reklamo ang nasabing pulis.

INIUTOS ng National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Miyerkules sa Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) ang masusing imbestigasyon sa reklamong isinampa ng isang 20-anyos na college student na si alias “Ace” laban kay Police Senior Master Sergeant (PSMS) Don Carlos Almonidovar ng General Trias Component City Police Station dahil sa umano’y pananakit at pagbabanta sa kanyang buhay.

Ayon kay Ace, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi noong Agosto 27 sa Governor’s Drive, Barangay San Agustin, Trece Martires City, matapos umano siyang mag-U-turn sa unahan ng sasakyan ni Almonidovar.

Iginiit ng estudyante na sinagi o binangga umano ng sasakyan ng pulis ang kanilang motorsiklo, bago siya umano sinaktan, hampasin ng baril, pagmumurahin at pagbantaan na papatayin.

Ayon pa kay Ace, dinala sila ng kanyang 19-anyos na kasama na si alias “Andrie” sa himpilan ng pulisya, kung saan umano ay sinubukang ayusin o pagkasunduin ang magkabilang panig.

Iniulat din na nagpositibo sa pag-inom ng alak si Almonidovar sa isinagawang breathalyzer test.

Sinabi ni NAPOLCOM Commissioner Atty. Ralph Calinisan na mahaharap sa kasong administratibo si Almonidovar, kabilang ang grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer, at maaari itong humantong sa pagkakatanggal sa serbisyo sakaling mapatunayang may basehan ang mga alegasyon sa isinagawang imbestigasyon.

“May hustisya sa Pilipinas. Ang gobyerno natin ay gumagawa ng paraan para mapaganda ang buhay ng bawat Pilipino,” pahayag ni Calinisan.

“Hindi tayo papayag na ang ordinaryong tao ay sasaktan, gigipitin, paduduguin, tatakutin o i-cover up ng sinumang pulis. Hangga’t nandito ang NAPOLCOM, maaasahan ng taong bayan na kikilos tayo at paninindigan natin ang kanilang karapatan. Para ito sa taong bayan. Makakaasa po kayong lahat,” dagdag niya.

Samantala, iniutos din ni Calinisan na humarap sa kanya si Almonidovar, gayundin sa police investigator na humahawak sa kaso, sa NAPOLCOM alas-8:30 ng umaga nitong Huwebes, Setyembre 3.

Layunin ng pagharap sa komisyon na mabigyan ang mga sangkot ng pagkakataong ipaliwanag ang kanilang panig at tumugon sa mga alegasyon bilang bahagi ng fact-finding investigation ng Komisyon.

Related Articles