Back to HomeNation

Fare hike, ayuda sa tsuper at commuter isinusulong

NI Alex GalangSeptember 19, 20262 min read0 views
Fare hike, ayuda sa tsuper at commuter isinusulong
Share:

KASABAY ng inaasahang matinding pagsirit ng presyo ng gasolina at diesel, naghahanda ang pamahalaan ng serye ng hakbang para maibsan ang dagdag-pasanin sa mga tsuper, operators at commuters, kabilang ang agarang fare adjustment at panibagong ayuda para sa sektor ng transportasyon.

Iniharap ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport Committee (UPLIFT) kay Executive Secretary Ralph Recto ang mga panukala sa pagpupulong noong Huwebes, Setyembre 17.

Kabilang sa pangunahing hakbang ang agarang pag-apruba sa fare adjustments para sa mga pampublikong sasakyan na matinding naaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), magsasagawa rin ng panibagong targeted assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na nakalaan para sa mga kwalipikadong transport operators at drivers.

Kasama rin sa package ang toll exemptions para sa provincial buses upang mabawasan ang kanilang gastos sa operasyon.

Iminungkahi rin ng UPLIFT ang pagsususpinde sa paniningil ng terminal fees sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at buwanang membership fees sa mga SM public transport terminals.

Isinusulong din ang 50 porsiyentong discount sa pamasahe sa MRT-3 at LRT-2, Piso RORO terminal fees, at pagpapatuloy ng Libreng Sakay services ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ang mga hakbang ay bahagi ng tugon ng pamahalaan sa epekto ng tumataas na presyo ng langis, na inaasahang magpapataas din sa gastos sa transportasyon at iba pang pangunahing bilihin.

Related Articles