19 ride-hailing company inisyuhan ng SCO ng LTFRB dahil sa paniningil ng lumang fare rate

INISYUHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show-cause order (SCO) ang nasa 19 Transport Network Companies (TNCs) dahil sa bigong ipatupad ang aprubadong dagdag-pasahe para sa mga ride-hailing services.
Ayon sa LTFRB nitong Huwebes, hindi umano ipinatupad ng mga TNC ang bagong fare rates para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) na nagsimula noong Lunes, Setyembre 28.
Sinabi ni Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr. na nakatanggap ang ahensya ng mga reklamo mula sa mga TNVS driver na may ilang TNC na patuloy na gumagamit ng dating pasahe sa kabila ng bagong fare adjustments na ipinatupad ng Department of Transportation para sa mga pampublikong sasakyan.
“Para sa kaalaman ng lahat, ang TNVS partner po ang gumagastos sa gasolina at diesel, at hindi ang mga TNC. Kaya kapag hindi naipatupad ang fare increase para sa kanila, sila po ang maaapektuhan at hindi ang mga TNC,” paliwanag ni Pua.
Sa ilalim ng aprubadong fare hike, tumaas sa P65 mula P45 ang base fare para sa TNVS sedan.
Para naman sa AUV, naging P75 mula P55 ang base fare, habang ang hatchback ay tumaas sa P55 mula P35.
Ang premium TNVS fare naman ay naging P165 mula P145.
Ayon sa LTFRB, ang umano’y hindi pagpapatupad ng bagong pasahe ay nagresulta sa mga singil na hindi naaayon sa bagong aprubadong fare adjustments at maaaring lumabag sa umiiral na mga tuntunin at regulasyon ng ahensya.
Inatasan ng LTFRB ang 19 TNC na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa loob ng tatlong araw mula nang matanggap ang show-cause order kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang accreditation.
Itinakda naman sa Oktubre 7, Miyerkules, ang pagdinig sa naturang kaso.
Nakasaad sa kautusan na ang kabiguang dumalo sa harap ng hearing officer at magsumite ng sagot ay ituturing na pagtalikod sa kanilang karapatang marinig ang kanilang panig at maaaring humantong sa pagpapataw ng kaukulang parusa
Related Articles

Pickup truck, nang araro sa North Fairview, 4 sugatan
ISANG ginang ang nasa kritikal na kondisyon habang nasa 3 iba pa ang sugatan makaraang mang araro ang pick up truck sa Barangay North Fairview, Quezon City umaga ng Miyerkules. Sa paunang impormasyon…

Sunog sumiklab sa isang residential area sa Quezon City
In photo : Mula sa mataas na gusali ay kita ang malaking bahagi na pinsala sa mga kabahayang tinutupok ng apoy habang pilit namang inaapula ng tubig ng mga rumespondeng mga bumbero sa Waling Waling St…

P496.4-M halaga ng shabu nasabat sa loob ng industrial machinery mula Mexico
NASABAT ng mga awtoridad ang tinatayang nasa P496.413 milyong halaga ng shabu na tumitimbang ng 73.002 kilo, at itinago sa loob ng industrial machinery mula Guadalajara, Mexico. Pinangunahan ng Bureau…
