Back to HomeNation

88 lugar isinailalim sa state of calamity, 29 patay sa hagupit ng Bagyong Luis, Maymay at Habagat

NI JG TumbadoAugust 21, 20263 min read0 views
88 lugar isinailalim sa state of calamity, 29 patay sa hagupit ng Bagyong Luis, Maymay at Habagat
Share:

HINDI bababa sa 88 lokal na pamahalaan sa buong bansa ang nagdeklara ng state of calamity habang umabot sa 29 ang nasawi at 19 ang nasugatan dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis at Maymay at ng Habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa pinakahuling datos ng pamahalaan.

Pinakamarami ang nasawi sa Benguet na umabot sa 15, kabilang ang 10 sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa Atok. Lahat ng mga insidente ay iniugnay sa mga pagguho ng lupa.

Apat naman ang nasawi sa Rizal—dalawa dahil sa rockslide sa Rodriguez, isa matapos matamaan ng bumagsak na puno sa Antipolo at isa dahil sa pagkalunod sa Binangonan.

Apat din ang nasawi sa Batangas, kabilang ang dalawa dahil sa pagkalunod, isa dahil sa electrocution at isa dahil sa landslide.

Dalawa ang nasawi dahil sa pagkalunod sa Caloocan City, habang tig-iisang nasawi ang naitala sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro at Negros Occidental.

Sa 19 nasugatan, 12 ang mula sa Benguet—walo sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad, isa sa Atok at isa sa Buguias. May mga nasugatan din sa Ilocos Sur, Abra, Quezon City, Rizal at Cavite.

Ang tatlong nawawala ay iniulat sa Quezon, Maynila at Batangas City. Ang mga insidente sa Quezon at Maynila ay kapwa iniugnay sa pagkalunod.

Umabot naman sa 88 lokal na pamahalaan ang nagdeklara ng state of calamity.

Kabilang dito ang Dagupan City; apat na bayan sa Pangasinan; buong lalawigan ng Bataan, Bulacan, Pampanga at Cavite; at ilang bayan sa Zambales, Rizal at Batangas.

Sa Pangasinan, kabilang sa nagdeklara ng state of calamity ang Santa Barbara, Mangaldan, Bugallon at Mangatarem. Sa Zambales, Masinloc ang nag-iisang lugar na nakapaloob sa talaan.

Sa Rizal, Rodriguez, na kilala rin bilang Montalban, ang nag-iisang lugar na nagdeklara ng state of calamity, habang Nasugbu naman ang naitalang lugar sa Batangas.

Mahigit 6.6 milyong katao apektado Umabot sa 6,620,335 katao o 1,905,622 pamilya ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga bagyo at Habagat sa Regions I, II, III, V, VI, VIII at IX, gayundin sa Cordillera Administrative Region, CALABARZON, National Capital Region at MIMAROPA.

May kabuuang 701 evacuation center ang na-activate, kung saan kasalukuyang nakasilong ang 15,523 pamilya o 52,543 indibidwal.

Naitala naman ang pinsala sa 2,110 bahay, kabilang ang 1,884 na bahagyang nasira at 226 na tuluyang nawasak.

Tinatayang umabot sa P4.88 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang P1.73 bilyon naman ang naitalang pinsala sa agrikultura.

Samantala, umabot na sa P1.02 bilyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng mga ahensya ng pamahalaan at iba pang responders sa mga apektadong komunidad.

Patuloy naman ang assessment sa lawak ng pinsala habang nagpapatuloy ang rescue, relief at recovery operations sa mga lugar na naapektuhan.

Related Articles