10.3M pamilyang Pilipino, itinuring ang sarili na mahirap — Octa

UMABOT sa tinatayang 10.3 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing itinuturing nilang mahirap ang kanilang kalagayan nitong ikalawang quarter ng 2026, batay sa pinakabagong survey ng Octa Research.
Ayon sa Tugon ng Masa survey ng polling firm na isinagawa mula Hulyo 4 hanggang 11, 39 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap, mas mataas sa 35 porsiyento na naitala noong Marso, o katumbas ng humigit-kumulang 9.2 milyong pamilya.
Samantala, bumaba naman mula 24 porsiyento sa 18 porsiyento ang mga pamilyang nagsabing sila ay “hindi mahirap,” habang 42 porsiyento ang hindi matukoy kung mahirap o hindi ang kanilang kalagayang pang-ekonomiya.
Pinakamataas ang self-rated poverty sa Mindanao sa 58 porsiyento, sinundan ng Visayas sa 46 porsiyento, Balance Luzon sa 33 porsiyento, at National Capital Region (NCR) sa 18 porsiyento.
Ayon sa Octa Research, ang pagtaas ng self-rated poverty sa buong bansa, partikular sa Balance Luzon, Visayas at Mindanao, ay nagpapakitang hindi pantay ang epekto ng mga pang-ekonomiyang hamon sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Binigyang-diin din ng polling firm ang patuloy na kahinaan ng mga pamilyang mababa ang kita, partikular ang mga kabilang sa Class E.
Sinabi ng Octa Research na ipinapakita ng mga resulta ang pangangailangan para sa mga hakbang na makapagpapataas ng kita ng mga pamilya, makapagpapalakas ng seguridad sa trabaho at makatutulong sa mga mamamayan na makayanan ang patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay.
Kasabay nito, tumaas din ang bilang ng mga pamilyang Pilipinong nagsabing nakaranas sila ng gutom.
Umakyat sa 21 porsiyento noong Hulyo ang self-rated hunger, katumbas ng tinatayang 5.6 milyong pamilya, mula sa 17 porsiyento o humigit-kumulang 4.5 milyong pamilya sa nakaraang survey.
Sa mga nakaranas ng gutom, 68 porsiyento ang nagsabing minsan lamang ito nangyari, habang 19 porsiyento ang nagsabing ilang beses nilang naranasan ang gutom.
Pinakamataas ang self-rated hunger sa Balance Luzon sa 27 porsiyento, sinundan ng NCR sa 19 porsiyento, Visayas sa 17 porsiyento at Mindanao sa 14 porsiyento.
Batay naman sa socioeconomic class, pinakamataas ang hunger incidence sa Class E sa 35 porsiyento, kasunod ang Class D sa 20 porsiyento at Class ABC sa walong porsiyento.
Ayon sa Octa Research, ang katotohanang karamihan sa mga insidente ng gutom ay panandalian ay maaaring indikasyon ng pagiging bulnerable ng mga pamilya sa mga biglaang problema sa kita o gastusin.
Gayunman, ipinakita rin ng mas mataas na hunger incidence sa Class E na higit na nararanasan ang ganitong mga suliranin ng mga pamilyang may mas kaunting kakayahang pinansyal na sumalo sa dagdag na gastusin.
Sa kabila ng pagtaas ng self-rated poverty at hunger, bumaba naman ng tatlong porsiyentong puntos ang bilang ng mga pamilyang nagsabing sila ay food poor.
Mula sa 31 porsiyento o tinatayang 8.1 milyong pamilya, bumaba ito sa 28 porsiyento o humigit-kumulang 7.4 milyong pamilya.
Inilarawan ng Octa Research ang food poverty bilang sitwasyon kung saan nahihirapan ang mga indibidwal o pamilya na makakuha ng sapat na pagkain para sa kanilang pangangailangan.
Pinakamataas ang self-rated food poverty sa Mindanao sa 52 porsiyento, habang pinakamababa naman ito sa NCR sa siyam na porsiyento.
Batay sa socioeconomic class, 38 porsiyento ng Class E households ang nagsabing sila ay food poor, kumpara sa 28 porsiyento ng Class D at 14 porsiyento ng Class ABC.
Bagama't itinuring ng polling firm na positibong pag-unlad ang pagbaba ng self-rated food poverty, sinabi nitong hindi pantay ang naging improvement dahil nananatiling mataas ang antas nito sa Mindanao at sa mga pamilyang kabilang sa Class E.
Ayon sa Octa Research, ang pagbaba ng food poverty kasabay ng pagtaas ng overall self-rated poverty ay maaaring nagpapakita na magkaiba ang pananaw ng mga pamilya sa pangkalahatang problema sa pananalapi at sa kanilang kakayahang matugunan ang agarang pangangailangan sa pagkain.
Isinagawa ang survey sa 1,200 rehistradong botante sa buong bansa, tig-300 respondents mula sa NCR, Balance Luzon, Visayas at Mindanao.
May confidence level itong 95 porsiyento at margin of error na ±6 porsiyento.
Related Articles

House OKs P72-T 2027 national budget
THE House of Representatives on Wednesday approved House Bill No. 10858, or the proposed ₱7.2-trillion General Appropriations Bill for Fiscal Year 2027, as amended, on second reading. House Committee…

P28,000 drug test bayad ni Respicio sa hamon ni Remulla
SUMAILALIM agad sa drug test ang kontrobersiyal na si Atty. Jeryll Harold Respicio, ang Vice Mayor ng Reina Mercedes sa Isabela, matapos ihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nais niyang ipas…

Opisyal ng PNP iniimbestigahan ng Napolcom dahil sa iregularidad
KASALUKUYANG iniimbestigahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) si Police Col. Froilan Uy dahil sa mga alegasyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan, pang-aapi at iba pang uri ng iregularidad. Ayon…
