Back to HomeRegions

Idineklarang tofu: P6.6M frozen chicken shipment mula Hong Kong nasabat sa Subic Bay Freeport

NI Alex Galang October 3, 20262 min read0 views
Idineklarang tofu: P6.6M frozen chicken shipment mula Hong Kong nasabat sa Subic Bay Freeport
Share:

NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Subic nitong araw ng Biyernes, ang isang smuggled shipment ng frozen chicken meat mula Hong Kong na nagkakahalaga ng P6.669 milyon matapos itong ideklara bilang cooked tofu.

Ayon sa BOC, nasa isang 40-foot container ang shipment na nakadeklarang naglalaman ng lutong tofu.

Hinarang ang naturang kontrabando para sa inspeksyon matapos makatanggap ang mga awtoridad ng intelligence information na posibleng naglalaman ito ng mga frozen o processed food products at iba pang agricultural commodities.

Sa isinagawang pagsusuri, natuklasan ang 1,380 karton ng frozen chicken breast at 174 karton ng frozen fish tofu, na hindi tugma sa deklarasyon ng shipment.

Dahil dito, inirekomenda ang pag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa shipment dahil sa mga paglabag sa mga umiiral na batas at regulasyon sa food safety, agricultural commodities at customs.

Kabilang sa mga batas na posibleng nilabag ang Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009, mga probisyon ng Joint DA-DOH Administrative Order No. 2015-0007 na nagpapatupad sa Republic Act No. 10611 o Food Safety Act of 2013, Department of Agriculture Administrative Circular No. 6, Series of 2022, at Section 1113(f) ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Samantala, sinabi ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ipinapakita ng pagkakasabat na nananatiling nakatuon ang BOC sa mandato nito sa kabila ng mga isinagawang organizational reforms.

Ayon kay Nepomuceno, dapat manatiling nakatuon ang mga tauhan ng BOC sa pagpigil sa smuggling at pagprotekta sa lehitimong kalakalan.

Nagbabala rin ang commissioner sa mga sangkot sa pagpupuslit ng mga produkto, kabilang ang mga indibidwal na nagbibigay ng proteksiyon o tulong sa mga smuggler, sa loob man o labas ng pamahalaan.

Bahagi ang pagkakasabat sa patuloy na kampanya ng BOC laban sa smuggling at iba pang paglabag sa customs laws, gayundin sa pagsusulong ng food safety at seguridad sa mga border ng bansa sa ilalim ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement ng ahensya.

Related Articles