Back to HomeRegions

Board Member, staff ng IPMR arestado sa entrapment operation sa Aurora

NI Edward VillosoSeptember 19, 20262 min read0 views
Board Member, staff ng IPMR arestado sa entrapment operation sa Aurora
Share:

ARESTADO ang isang Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Provincial Board Member at isang staff nito sa isinagawang entrapment operation ng Baler Municipal Police Station nitong araw ng Biyernes, Setyembre 18, 2026.

Sa himpilan ng pulisya nakilala ang mga suspek na sina Randy Ogian Salo, IPMR Provincial Board Member at residente ng Purok 6, Barangay Ditale, Dipaculao, Aurora, at Ronalyn Esteban Pasagian, secretary nito at residente naman ng Purok 4, Barangay Ditale, Dipaculao.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-10:16 ng umaga sa isang Restaurant sa Quezon Corner Carrasco Street, Barangay 1, Baler.

Ayon kay Police Major Donna Fe M. Galban, hepe ng Baler MPS, nag-ugat ang operasyon sa isang reklamo hinggil sa umano’y iregularidad sa pagbabayad para sa mga serbisyong transportasyon na ginamit noong 2025 Indigenous Peoples Day.

Sa operasyon nagkita ang mga suspek at mga biktima sa naturang establisimyento.

Ayon sa pulisya, matapos umanong tanggapin ng suspek ang P260,000, agad siyang inaresto ng mga operatiba at nabawi ang naturang halaga.

Sinabi ng pulisya na inihahanda na ang mga kaukulang kaso sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act para sa pagsasampa sa Office of the Provincial Prosecutor.

Samantala, ayon sa impormasyon, 64 na van umano ang idineklarang mga transportation unit sa Provincial Capitol ni Salo, habang 11 van lamang umano ang nirentahan sa pamamagitan ng isang kooperatiba.

Related Articles