Bilang ng mga nasawi dahil sa masamang panahon umakyat sa 23, bilang ng mga apektado nasa 5milyon

UMAKYAT na sa 23 indibidwal ang bilang ng mga nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones Luis at Maymay at Habagat, ayon sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo.
Pinakamaraming nasawi ang naitala sa Benguet na umabot sa 15. Kabilang dito ang 10 sa Baguio City, tatlo sa Atok, at dalawa sa La Trinidad, na pawang nasawi dahil sa mga pagguho ng lupa.
Tatlo naman ang nasawi sa Rizal. Dalawa sa mga ito ay mula sa Rodriguez dahil sa rockslide, habang isa naman sa Antipolo ang nasawi matapos tamaan ng bumagsak na puno.
Tatlo rin ang nasawi sa Batangas—isa dahil sa pagkalunod sa Batangas City, isa dahil sa pagkakakuryente sa Lipa City, at isa dahil sa landslide sa Santa Teresita.
Isang nasawi dahil sa pagkalunod ang naitala sa Luna, La Union, habang isa rin ang nasawi dahil sa pagkalunod sa Candelaria, Quezon.
Samantala, 17 katao ang iniulat na nasugatan sa iba't ibang lugar.
Pinakamarami sa mga ito ay mula sa Benguet na may 12 sugatan, kabilang ang walo sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad, at tig-isa sa Atok at Buguias.
May mga naiulat ding nasugatan sa Ilocos Sur, Abra, Rizal, at Cavite.
Tatlong katao naman ang patuloy na nawawala, kabilang ang isang naiulat na nawawala sa Batangas City.
Umabot na sa 1,410,800 pamilya o 4,903,086 katao ang naapektuhan ng sama-samang epekto ng mga weather disturbance sa Regions I, II, III, V, VI, IX, CALABARZON, Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), at MIMAROPA.
May kabuuang 407 evacuation centers ang naitala, kung saan 9,101 pamilya o 31,456 katao ang kasalukuyang nakasilong.
Aabot naman sa 1,845 bahay ang napinsala, kung saan 1,667 ang partially damaged at 178 ang totally damaged.
Tinatayang umabot sa ₱3.36 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang nasa ₱689.66 milyon naman ang naitalang pinsala sa agrikultura.
Samantala, umabot na sa ₱654.59 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng mga ahensya ng pamahalaan at iba pang responder sa mga apektadong komunidad.
Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nagpapatuloy ang mga operasyon para sa pagtugon, relief, at rehabilitasyon sa mga lugar na naapektuhan ng sama-samang epekto ng mga bagyo at Habagat.
Related Articles

House OKs P72-T 2027 national budget
THE House of Representatives on Wednesday approved House Bill No. 10858, or the proposed ₱7.2-trillion General Appropriations Bill for Fiscal Year 2027, as amended, on second reading. House Committee…

P28,000 drug test bayad ni Respicio sa hamon ni Remulla
SUMAILALIM agad sa drug test ang kontrobersiyal na si Atty. Jeryll Harold Respicio, ang Vice Mayor ng Reina Mercedes sa Isabela, matapos ihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nais niyang ipas…

Opisyal ng PNP iniimbestigahan ng Napolcom dahil sa iregularidad
KASALUKUYANG iniimbestigahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) si Police Col. Froilan Uy dahil sa mga alegasyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan, pang-aapi at iba pang uri ng iregularidad. Ayon…
