Back to HomeNation

Nanood, nagshare ng Ateneo shooting, iimbestigahan-- NBI

Ipost PH August 25, 20262 min read0 views
Nanood, nagshare ng Ateneo shooting, iimbestigahan-- NBI
Share:

IIMBESTIGAHAN ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga indibidwal na umano’y nanood, kumuha ng video at nagbahagi sa social media ng footage kaugnay ng shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) kamakailan.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, bahagi ng isasagawang imbestigasyon ang pagtukoy sa mga taong nag-record at nagpakalat ng mga video ng insidente.

Tinitingnan din ng mga awtoridad kung may paglabag sa batas o iba pang posibleng pananagutan ang mga sangkot sa pagbabahagi ng naturang mga materyal.

Patuloy naman ang koordinasyon ng NBI sa mga kinauukulang awtoridad upang makalap ang mga ebidensya at matukoy ang buong pangyayari.

Hinikayat ang publiko na huwag nang muling ipakalat ang mga video ng insidente at sa halip ay ipaabot sa mga awtoridad ang anumang impormasyong maaaring makatulong sa imbestigasyon.

Samantala, tukoy na rin ng NBI ang isang grupo ng ‘groomers’ ng mga menor de edad sa social media.

Sinabi ni Matibag na napasok nila ang group chat ng mga ito na nag-collapse kalaunan.

Nasa libo aniya ang miyembro ng grupo, kabilang ang mula sa ibang bansa pero karamiha’y mga Pilipino.

Pawang 12 hanggang 19-anyos, sabi ni Matibag, ang tina-target nito, at pinagagawa ng karahasan ang mga biktima bilang bahagi ng ‘initiation.’

Kapag nagawa umano ito, magkakaroon sila ng promotion, halimbawa kung papatayin ang sarili ay mapo-promote sila sa ‘sainthood.’

Dagdag ni Matibag na posibleng galing sa iisang grupo ng groomers ang nang-impluwensya sa mga estudyanteng shooter sa San Jose National High School sa Tacloban City at sa Ateneo de Zamboanga University sa Zamboanga.

Kasadong magsagawa ng profiling ang NBI sa mga nag-share online ng mga video footage ng school shooting para malaman ang kanilang partisipasyon.

Makikipagpulong anya sila kay Executive Secretary Ralph Recto, mga opisyal ng DICT, Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at sa Meta sa Huwebes.

Related Articles